Buti naman nag-resign na si Mocha!

ISA tayo sa mga natuwa sa pagre-resign ni Mocha Uson bilang assistant secretary for social media ng Presidential Communications and Operations Office (PCOO) hindi dahil sa may personal tayong galit sa kanya kundi kaisa ako ng karamihan na naniniwalang hindi siya karapat-dapat  sa nilayasan niyang puwesto.

Nang marinig ko ang pahayag ni Mocha sa budget hearing na isinagawa ng komite ni Senador JV Ejercito noong Miyerkules ng umaga, bigla kong nasabi sa aking sarili na ‘sa wakas, may ginawa ring tama si Mocha -- ang mag-resign sa kanyang puwesto!’

Ang pagkakapuwesto ni Mocha sa gobyerno ang pinakamasamang halimbawa ng pagbabayad ng utang na loob sa pulitika.

Dahil alam nating supporter siya ni Pangulong Duterte, naging malapit ito sa kusina at nabigyan ng puwesto -- una bilang miyembro ng MTRCB hanggang sa maging assistant secretary sa PCOO.

Labas na tayo kung ang bachelor’s degree ni Mocha ay medical technologist sa University of Sto. Tomas (UST) dahil naging epektibo naman talaga ito bilang sexy star at political blogger.

Kaya nga umabot sa limang milyon ang followers nito sa kanyang blog.

Pero hindi dahil may kumpiyansa sa iyo ang Presidente ng Pilipinas at maraming followers sa social media ay credentials na ito bilang isang magaling  na ‘public servant.’

Ang suweldo ni Mocha ay nasa kategorya ng Salary Grade 29 o may sahod na P106,454, labas pa ang allowances at ibang bonuses.

Parte sana ng trabaho ng 34-taong gulang na sexy star ay maging mensahero ng bawat accomplishment ng Duterte administration pero sa mahigit isang taong panunungkulan nito bilang assistant secretary, puro kontrobersiya ang naipabatid nito sa taong bayan.

Ang problema, marami nang ‘kapalpakan’ ang pinaggagawa ni Mocha. Una rito ang diumano’y ibinunyag na offshore bank deposit ni opposition Senator Antonio Trillanes IV.

Sabihin na naman ng mga Diehard Duterte Supporters (DDS) na dilawan tayo dahil binanggit natin ang isyung ito. Hindi po mga ate at kuya, kahit balik-balikan nyo ang mga column ko rito sa Uncovered, hindi ko kinakahiyang sabihin na mas gusto ko ang Duterte administration kaysa sa palpak na Aquino administration.

Ginamit kong palpak ang nasabing pagbubunyag kay Trillanes ni Mocha dahil pinatunayan ng senador na wala siyang bank record sa Singapore kasi pumunta pa ito kasama ang ilang Senate media at napatunayang wala itong account sa DBS Bank sa Alexandra Road ng nasabing bansa.

Isa ito sa itinuturing na fake news, ayon pa sa kampo ni Trillanes.

Isa pang palpak nito ay ang pagsayaw ng Mocha Girls sa Resorts World Casino na paglabag sa Memorandum Circular No. 6 na nagbabawal sa sinumang govenment officials at employees na pumasok sa mga casino.

Ang pamali-maling post nito sa kanyang blog tungkol sa giyera sa Marawi. Ang pagsabi na nasa Naga City, Camarines Sur ang Mt. Mayon sa halip na sa Albay province at higit sa lahat ang nakasusukang Pepe-Dederalismo dance ng kaibigan niyang kumag na blogger na si Drew Olivar na sinundan din sa pag-alipusta sa sign language ng mga kapatid nating pipi at bingi.

Sa dami ng mga kapalpakang ito, umaayon ako sa nagsasabing liability at hindi asset si Mocha sa Duterte administration.

Ngayong babalik na raw bilang blogger na hindi naman niya iniwan kahit may puwesto na siya sa pamahalaan, panahon na raw ito para balikan niya ang mga umaatake sa pamahalaan.

Karapatan ito ni Mocha  at iyan talaga ang kanyang forte.

Nagtataka lang talaga ako dahil sa ang limang milyon nating kababayan na ‘followers’ daw ni Mocha ay nagpapaniwala pa sa kanya.