Brotherhood for Boracay

SA Oktubre 26 ay bubuksan ang Boracay island, ang number one tourist attraction sa bansa, matapos ang anim na buwang pagsasara nito dahil sa maduming dagat sanhi ng mga iligal na lagusan ng dumi ng tao na tumutuloy sa dagat mula sa mga hotel rito.

Isinara ng pamahalaan ang buong isla at lahat ng mga iligal na sewerage treatment plant (STP) ng mga hotel at gusali sa buong isla ay sinira at pinalitan ng bago ayon sa R.A. No. 9275, ang batas sa pagkakaroon at pananatili  ng  malinis na tubig sa bansa.

Hindi lang ang pagdumi ng dagat ang problema ng Boracay subali’t pati pagka-kalbo ng kabundukan nito.

Kaugnay ng ika-50 anibersaryo ng Tau Gamma Phi (TGP) fraternity, nitong October 4, 2018, bilang dating lider nito, iminungkahi ko sa lahat ng aming chapters sa Metro Manila, mga bayan, lungsod at probinsya sa buong Pilipinas na magtanim ng 50 puno sa kani-kanilang lugar.

Isa sa tumugon ay ang aming TGP Boracay Council, na pinamumunuan ni Chairman Reynaldo Radaza at brod Geri Manangkil.

Sa pamamagitan ng aking kaibigang si  Jun Calub, isang organic farmer at may-ari ng Argonauta Hotel sa Boracay, ay nagtanim sila ng 50 puno sa bawat barangay ng Boracay, sa barangay Yapak, Balabag at Manoc-Manok.   

Dahil si Jun ay isa ring fratman, Tau Mu Epsilon (Fratofco) ng UST College of Engineering, iminungkahi ko sa kanila na magtayo ng samahan para sa ikabubuti at ikagaganda ng Boracay. Tinanggap nila ang aking mungkahi na pangalanan ang kanilang grupo na “Brotherhood for Baracay” (BFB).  

Matapos ang tree-planting, inanyayahan nila ang ibang frats sa isla, tulad ng Alpha Phi Omega, Scout Royal Brotherhood, Alpha Kappa Rho at Capazcepa na sumapi sa BFB.

Nagpulong ang nasabing fraternities at nagkasundong regular silang maglulunsad ng tree-planting sa mga nakalbong bundok ng isla at sa mga mangrove sa paligid ng isla.

Sana’y magtagumpay ang BFB na muling buhayin  ang isla.

* * *

Upang mawarningan ang publiko, lumapit sa inyong lingkod ang negosyanteng si Adam Macgro, tungkol sa reklamo niyang carnapping laban kay Rouelito Lim Alvarez, alyas “Supercar Guy”.  

Si Alvarez, ay dinakip ng PNP Anti-Carnapping Unit nitong October 4, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Mandaluyong City Regional Trial Court, Br. 278 Judge Jaime Fortunato Caringal bunga ng carnapping case na isinampa ni Macgro.

Batay sa reklamo, nakumbinsi umano ni Narvaez si Macgro na ipagkatiwala sa kanya ang pagbili ng mga high-end na kotse dahil sa mahusay na sales talk nito. Umabot sa P39,000,000 ang ibinigay ni Macgro kay Narvaez para bumili ng 1998 BMW Series 7 (UTH 444), Mercedes Benz Wagon (ZNA 528), 1999 Silver BMW M5 (BRY 555), Porsche Cayenne Turbo S (XJT 202), Toyota FJ Series (NPI 801), Porsche Spyder (UWI 183), Lamborghini Gallardo Ferrari F30 (UOX 430), Audi R8 Silver (TOW 252) at Audi R8 White (UIB 558).

Sinabi ni Macgro na labis niyang pinagkatiwalaan si Narvaez na kanyang business partner, subalit ‘niloko’ siya nito. Nagulat siya nang bumalik sa Pilipinas dahil nadiskubre niyang ang mga kotseng nabili ni Narvaez gamit ang kanyang pera ay nakapangalan kay Narvaez.

Tiniyak ni Macgro na kumpleto ang kanyang mga ebidensya, kasama ang palitan nila ng komunikasyon ni Narvaez, hanggang sa deposit slips, kaya’t naglabas  ng arrest warrant si Judge Caringal laban kay Supercar Guy.

Idiniin ni Judge Caringal na may sapat na basehan ang kaso laban kay Narvaez, kaya niya ito ipinadakip. Ang piyansya ni Narvaez ay P300,000.

“Ang sakit sa loob pagkatiwalaan ang isang tao tapos lantaran kang lolokohin. Dinadala pa niya ang mga kotse ko sa mga supercar club at pinagyayabang na kanya, samantalang pinaghirapan ko sa pagtatrabaho sa ibang bansa ang ipinambili ng mga kotseng ‘yon,” banggit ni Macgro.

Maliban sa kasong carnapping, pinaghaharap din sa mga kasong estafa at cyberlibel si Narvaez, patuloy ni Macgro. Naniniwala si Macgro na marami pang naloko si Narvaez kaya’t lumapit siya sa inyong lingkod.