Boss Komisyoner

October 27, 2018

SA aking pananaw, panahon na para baguhin ang patakaran sa pagpili ng Komisyoner ng BoC na kadalasan ay mula sa labas, hindi mga career officials ng  ahensya ng pamahalaan na kumokolekta ng buwis mula sa mga inaangkat na produkto mula sa ibang bansa para pantustos sa gastusin at pagawaing bayan.

Bawat Komisyoner na galing sa labas ng BoC ay may bitbit na mga bata-bata nila  na tutulong sa kanya para masawata daw  ang korapsyon sa Aduana. Wala siyang tiwala sa mga career officials at mga nakaplantilla na kawani ng Aduana na sakop ng Civil Service. Sa kanyang pananaw, lahat ng daratnan niya sa Aduana, kahit walang ebidensya, ay mga korap at nagpapakasarap lang sa posisyon. Kapag pinalitan ang Komisyoner, maglalaho na rin ang mga bata- bata niya dahil co-terminus ang mga ito. Biruin mo habang nakapwesto ang Boss nila, grabe ang kapangyarihan nila para mang-ipit ng mga shipment, kahina-hinala man o hindi. Sa kabila nito, wala silang pananagutan sa BoC, at walang nabubuong pagmamahal sa serbisyo,  tanging sa Boss Komisyoner lang sila sarado  kandado nagre-report at nananagot. Nagmamadaling gumawa ng pera at palusot dahil alam nilang walang security of tenure ang Boss nila. Samakatuwid, mga tagalabas at hindi mga career officials, ang mga hipokrito. Sila ang korap na nagpapanggap na mga matino at malinis kuno.

Kapag nabulilyaso si Boss Komisyoner, aalisin ito ng Pangulo at  papalitan na naman  ng taga labas na ng Aduana. May bitbit din siyang mga bata na tutulong ulit para masawata ang korapsyon at mapigil ang pagpasok ng iligal na droga at mga kontrabando na hindi nagbabayad ng tamang customs duties. Isang tsubibong paulit-ulit lang ang resulta: walang dagdag na kalakasan ang binibigay nito para maayos at mapagtibay bilang isang institusyon ang Aduana na ngayon ay mahina dahil pinagsasamantalahan ito ng mga pulitiko at mga sindikato.

Sinikap ko na maging bahagi ng RA 10863 o Customs Modernization at Tariff Act na dapat manggagaling ang hihiranging na  Komisyoner ng BoC mula sa mga career officials nito at magkaroon ng term of office ito para hindi ma-pressure na pagbigyan ang mga hiling ng pulitiko. Nabigo ako. Kailangan daw bigyan ng sapat na kalayaan ang Pangulo na pumili ng kanyang tao sa BoC kahit na ito ay bugok at walang alam, basta bata niyang susunod sa kanyang mga utos. Bilang konsuwelo, pumayag ang mga kasama kong Kongresista at Senador na pagdating sa mga Deputy Commissioners, kalahati ng mga itatalaga ay kailangan mga career officials. Sabi ko sa aking sarili, mainam na itong panimulang hakbang para mapalakas ang serbisyo ng Aduana. Ang mga career officials ay maaaring magpursigi na maabot ang pagiging Deputy Commissioner. Nakapagpapataas ito ng morale ng mga tapat na career officials  naglilingkod sa serbisyo ng Aduana.  Alam ko naman darating ang araw na ang aking panukala ay mahihinog upang   maging isang ideya na hindi  mapipigilan na mangyari dahil ito ang nararapat para lumakas ang serbisyo ng Aduana at hindi na mangyari pa ang nagaganap sa BoC.