Bookies and lotteng everywhere!

KAIBIGAN ang turing natin kina Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar.

Kaya kung may natatanggap tayong sumbong, kaagad natin itong inilalathala para na rin makuha ang atensiyon ng dalawang magiting na opisyal  -- lalo na kung illegal na droga, illegal gambling at peace and order ang pinag-uusapan.

Ito rin ang nakikita nating paraan upang matulungan natin ang kapulisan sa pagtupad sa kanilang tungkulin, partikular na ang sa pagtugon sa direktiba ng Pangulong Duterte na giyera kontra droga, pagsupil sa krimen at pagsawata sa illegal gambling.

Ang tambalang Albayalde at Eleazar ang isa na siguro sa pinaka epektibong PNP officials ngayon. Lahat ng scalawag at abusadong pulis ay kaagad naparurusahan dahil sa walang kapaguran ang ginagawa nilang pagsugpo sa krimen.

Sa pamamagitan ng artikulo natin ngayon, umaasa tayong aaksyon kaagad dito ang ating kapulisan dahil naniniwala akong tatanggapin nila ito bilang ‘constructive criticism’ at hindi ‘destructive criticism.’

Tulad na lang itong isyu ng iligal na pasugalan.

Hanggang ngayon ay tuloy lamang sa operasyon ang pa-lotteng, easy 2 at bookies sa karera ng kabayo nina Boy Abang at Paknoy sa lungsod ng Maynila.

Hindi ko alam kung bakit walang ginagawang aksiyon dito si Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Rolly Anduyan.

Hindi ako naniniwalang  sa tikas, kisig at tapang ni Anduyan ay simpleng illegal gambling lang ay hindi pa niya kayang ‘itumba’ ang sindikato nina Boy Abang at Paknoy.

Si Anduyan para sa kaalaman ng lahat ay isa sa bayani ng giyera sa Marawi.

Batang opisyal pa lang ito noong dekada 90 ay bilib na sa kanya ang mga police beat reporters dahil noon pa man ay nakitaan na ito ng kakaibang galing at tapang.

Si Rolly din ang ‘protegee’ ni ret. Gen. Roberto ‘Boysie’ Rosales na kahit inintriga nang husto bago magretiro ay hindi naman napatunayang protektor ng Dominguez carnapping group.

Ang humahamon sa kanyang kakayahan ngayon ay si Boy Abang na matagal na sa sindikato ng illegal gambling. Si Paknoy naman ay isang retired na pulis kaya imposibleng ang ganitong uri ng pagkatao ay hindi pa masawata ni Sir Rolly Anduyan.

Samantala, bago naman ang hepe ng Southern Police District (SPD) at ito ay sa katauhan ni Chief Supt. Eliseo ‘Ely’ Cruz na gumawa ng pangalan sa Traffic Management Group o Highway Patrol Group.

Tulad ni Gen. Cruz, bago rin ang hepe ng Parañaque City Police na isa rin sa ating kaibigan -- si Sr. Supt. Rogelio Torrelino ‘Jojo’ Rosales na matagal na-assign sa Manila Police District (MPD).

Magandang hamon kina Gen. Cruz at Col. Rosales na ipahinto ang bookies sa karera at lotteng na minimintina ng isang nagngangalang Joy.

Bukod sa lotteng, bookies ng karera ng kabayo, mayroon ding laro na easy 2 si Joy sa tulong ng isang nagngangalang Egay.

Ang kanilang bangka ay si Bolok Santos na kung tawagin ay Manager.

Sa sobrang yabang ni Joy, ipinagmamalaki nito na nagbibigay daw siya ng P50,000 weekly sa Paranaque PNP. Hindi ko lang alam kung nakararating ba ito sa tanggapan ni Rosales kaya mabuti sigurong tanungin ni Jojo ang isang alyas Charlie,

May ganitong uri ng illegal na pasugalan din si Manager Bolok sa Muntinlupa na pinamamahalaan pa rin nina Joy at Egay. Ang hepe ng Muntinlupa City police station ay si Sr. Supt. Gerardo Lacorte Umayao.

Ang sistema ng grupo ni Bolok ay isinasabay nila ang koleksiyon sa Small Town Lottery (STL).

Kung matatandaan, STL ang sinasabi ng pamahalaan na sagot umano upang  mapahinto ang jueteng o anumang uri ng illegal gambling sa bansa.