BoC-NAIA, naka-alerto!

September 30, 2018

KAGAYA ng mga nakaraang taon, dagsa na naman ang mga importasyon dahil sa papalapit na holiday season.

Akala siguro ng mga mahilig magpalusot hindi na sila mapupuna dahil sa dami ng mga kargamento.

Kaya naman timbog ang tangkang pagpupuslit ng mga ipinagbabawal na gamot.

Nasabat ng BoC-NAIA ang isang parcel na naglalaman ng shabu.

Ayon kay BoC-NAIA District Collector Carmelita “Mimel” Talusan, ang kargamento ay nanggaling ng Republic of Congo.

Natagpuan sa FedEx cargo warehouse ang 800 gramo ng shabu na itinago sa isang art table box.

Ipinadala ng isang Asuman Lopeta ng Congo, ang kargamento ay naka-consigned kay Joy Bido Mariel ng Cavite.

‘Nagkakahalaga ng P5.4 milyon, ang shabu ay isinalin na sa pamamahala ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Nakaalerto ngayon ang mga tauhan ni Talusan para masawata ang pagpasok ng mga kontrabando, kabilang na ang iligal na droga, sa bansa.

Alertado rin ang BoC Intelligence para i-monitor ang mga paparating na parcel at cargo mula sa ibang bansa. May report daw kasing  Manila ang gagamiting jump-off point sa kanilang drug trade ng isang international drug syndicate.

Bilang isang old-timer sa BoC, kabisado ni Collector Manahan-Talusan ang modus operandi ng mga mandurugas sa Aduana.

Sa tingin natin, hindi basta mapapalusutan si Collector Mimel, pamangkin ni dating Ilocos Sur Gov.  Chavit Singson.

Si Talusan ay anak ni dating BoC Deputy Commissioner Julita Singson-Manahan, na kapatid ni Governor Chavit.

* * *

Bago ang May 13, 2019 polls ay may pitong buwan pa ang gobyerno para pababain ang presyo ng mga bilihin

Huwag natin kalimutan na isang malaking isyu ang presyo ng mga bilihin tuwing may eleksyon sa bansa.

Ibang usapan na kapag presyo ng bilihin ang pag-uusapan, lalo na ang presyo ng bigas, iba pang pagkain, gasolina, lpg, kuryente at tubig.

Noon ngang kumandidato sa pagka-presidente si yumaong Pangulong Cory Aquino ay ginamit na isyu laban kay Marcos ang mataas na presyo ng galunggong na umabot ng P20 ang bawat kilo.

Dapat pakinggan ang hinaing ng taumbayan, lalo na ang mahihirap.

Bantayan din ang presyo ng mga gamot at sinisingil ng mga pribadong ospital.

Sobra na ang singil ng ibang ospital.

Ilang oras mo lang sa ospital ay libu-libong piso na ang sisingilin sa iyo.

Kaya nga dapat ipasa na ng Senado ang Health Law na inakda ni Secretary Harry Roque nang siya ay nasa Kongreso pa.

Ang masakit nito, baka madamay ang mga kandidato ng administrasyon kapag patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

 * * *

Mahalaga ang social media sa lipunan.

Pero iba pa rin ang dating ng print media sa taumbayan.

Ang mga lumalabas sa diyaryo ay naka-display at naitatago para mabasa ng mga susunod na henerasyon.

Mahalaga ang mga diyaryo o news clippings sa mga researcher, historian at mag-aaral.

Sa tingin ng marami ay indispensable ang print media.

 (Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)