6,110

BoC, ginagawa lahat para makamit ang collection target

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 291

WALANG kaduda-dudang ginagawa lahat ng mga taga-Bureau of Customs (BoC) para abutin ang kanilang  
monthly collection target. 

Marami ng pagbabago at reporma ang ipinapatupad nina BoC Chief Isidro S. Lapeña para matigil
ang ismagling at katiwalian sa   Aduana.
    
Batid ng lahat na ismagling at katiwalian ang mga pangunahing dahilan kung bakit nahihirapan
ang BoC na abutin ang assigned tax take.
    
Pero nasa kamay pa rin ng mga importer kung magkano ang papasok  na pera sa kaban ng
ahensiya.
    
Huwag nating kalimutan na nakasalalay sa volume at klase ng importasyon ang laki ng buwis na
makukolekta ng BoC.

Kung kaunti ang importasyon, siyempre kaunti din ang babayarang buwis ng importer at broker.
    
Kaya nga dapat tumulong ang ibang ahensiya ng gobyerno para hikayatin ang mga negosyante na
damihan ang kanilang importasyon.
    
Dapat maintindihan ng publiko na ang trabaho lang ng BoC ay patawan ng buwis ang mga
parating na kargamento.
    
Ang problema pa, may mga produkto na hindi na pwedeng patawan ng buwis at taripa dahil sa
mga pinasok nating kasunduan sa iba’t ibang bansa at grupo.

Naaawa nga tayo sa mga taga-BoC dahil lagi na lang silang nasisisi tuwing bubulusok ang
koleksyon ng kanilang ahensiya.

Mahalaga rin na lumago ang ating ekonomiya para sumigla ang mga importer.
    
Kung walang pera ang mga negosyante, sorry na lang tayo dahil wala ring importasyon na
papatawan ng buwis.
    
Isa pa, hiling din ng mga importer at broker kay Commissioner Lapeña na bantayan ang mga
pinagkatiwalaan niyang mga reviewer/scanner sa kanyang tanggapan dahil mukhang may mga pinapaboran
ang iba sa kanila.
    
Ayon sa nakarating sa ating mga sumbong, kapag umano nakatimbre sa mga reviewer/scanner ng
OCOM, tuluy-tuloy ang paglabas ng kargamento kahit na maliit lang ang binayaran. Hindi ba
deretsahang panloloko ito sa gobyerno?
    
Aksyon na Comm. Lapeña, bago ka kaladkarin sa kahihiyan ng ilang pinagkakatiwalaan mo diyan
sa iyong tanggapan.

* * *

Gastos dito, gastos doon. Ito ngayon ang hinaing ng mga magulang at mag-aaral.
    
Nandiyan ang junior-senior prom, field trip at iba pang extra-curricular activities sa mga
paaralan.
    
Okay lang sa mga mayayaman, pero paano naman ang mga pamilyang isang kahig, isang tuka?
    
May mga eskuwelahan pang nire-require ang mga lalaking kasali sa junior-senior prom na
magsuot ng amerikana. Napakagastos ang magpatahi o  umupa ng amerikana.
    
Por diyos por santo naman. Bakit ninyo pagsusuotin ng amerikana ang mga bata eh ang init-
init ng panahon.
    
Maawa naman kayo sa mga bata.
    
Hindi advisable ang mag-suot ng amerikana. Lalo na’t hindi naman airconditioned ang venue ng
mga junior-senior prom.
    
Mukha lang tayong katawa-tawa.
    
Ang problema, baka magkasakit pa ang mga bata dahil siguradong papawisan sila sa tindi ng
init ng panahon ngayon.

* * *
    
Marami ang nagsasabing hindi porma ng gobyerno ang susi para umunlad ang bansa.
    
Walang masama kung susubukan natin ang pederalismo kagaya ng isinusulong ng administrasyon.
    
Pero dapat ikulong muna ni Pangulong Duterte ang lahat ng mga korap at tiwaling lingkod-
bayan.
    
Kung sila pa rin kasi ang mamumuno ay walang mangyayaring pagbabago sa lipunan.
    
Maliwanag pa sa sikat ng araw na marami pa rin diyan ang parang tuko kung kumapit sa
puwesto.
    
Handang bumili ng boto o mandaya para lang manalo. Mabuti nga  at matuloy na ang barangay at
SK elections sa May 14.
    
Para dito na simulan ni Pangulong Duterte na ipakulong ang mga vote buyer at mandarayang
kandidato.
    
Huwag nating kalimutan na maraming tiwali ang nananalo sa eleksyon sa tulong ng pera at
pananakot.
    
Kagaya ng mga adik, tulak ng shabu at kriminal, dapat mabulok sa bilangguan ang mga vote-
buyer.
    
Sasaludo ang sambayanang Pinoy kay Pangulong Duterte kapag naipakulong niya ang lahat ng
poll cheats, lalo na ang mga vote-buyer.
    
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-
4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang buong pangalan at tirahan.)