Batuhan ng putik ng mga kandidato, simula na

October 30, 2018

HINDI pa nagsisimula ang panahon ng pangangampanya pero mainit na ang mga akusasyong binibitiwan ng ilang kandidato sa Pasay City.

Sa regular na pulong-balitaan ng Progressive Tri-Media of Southern Metro na ginaganap sa Golden Bay Restaurant sa Macapagal Boulevard sa Pasay City, inupakan ng kaalyado ni Cesar “Chet” Cuneta kapatid ni Mega Star Sharon Cuneta na kandidato sa pagka-alkalde ng lungsod ang administrasyon ni Mayor Antonino “Tony”  Calixto na umano’y pasimuno ng vote buying.

Ang kapatid ni Mayor Calixto na si Rep. Emi Calixto-Rubiano ang tatakbong alkalde habang kongresista naman ang tatakbuhin ng alkalde matapos makumpleto ang kani-kanilang termino. Ang anak at pamangkin din ng alkalde na sina Mark at Joey ay tatakbo namang konsehal sa lungsod.

Sa kanyang binitiwang pahayag, sinabi ni Eduardo Batobato, Jr., tumatakbong konsehal sa District 2 sa ilalim ng Chet-Cuneta-Advincula Team na may hawak silang video na magpapatunay ang talamak na vote-buying na aniya ay umaabot sa P400,000 kada isang kabesa ng barangay para sa straight voting at P250,000 kung alkalde, bise alkalde at kongresista ang iboboto.

Aniya, hindi naman problema kung saan kukunin ang salapi dahil manggagaling ang pondo mula sa isang katerbang illegal na pasugalan, illegal terminal, illegal vendors, night clubs sa front ng prostitusyon at iba pang illegal sa lungsod na lalo aniyang naging talamak kaya’t hindi maalis ang bansag sa lungsod na “Sin City”

Nanawagan na rin aniya sila sa Philippine National Police na maging mapagmasid upang mapigil ang malawakang vote buying para naman maging makatotohanan ang pagpili ng mga botante kung sino ang nais nilang mamuno sa kanilang lungsod.

Nauna ng inimbitahan sa pulong-balitaan ng Progressive Tri-Media of Southern Metro si Rep. Emi Calixto-Rubiano subalit nagkaroon ng kalituhan matapos magbigay ng advisory ang kanyang chief of staff bago ganapin ang pagpupulong na hindi makakarating ang opisyal dahil may nauna na itong natanguan.

Walang nagawa ang grupo kundi kanselahin muna ang pulong-balitaan subalit biglang dumating si Rep. Calixto bago magtapos ang takdang oras ng news forum pero wala na ang karamihan sa mga reporter na regular na dumadalo kaya’t humingi na lang siya ng paumanhin sa grupo.

Iimbitahan din muli ng grupo si dating city fiscal Eduardo Togonon na isa ring malakas na kandidato bilang alkalde ng lungsod upang ilahad naman ang kanyang mga plataporma para sa ikagaganda pa ng buhay ng mga Pasayenos.

Libreng edukasyon Kung tutuusin, ang Navotas City Jail (NCJ) ang isa sa pinakamasikip na jail facility sa bansa kung sa dami ng mga inmate ang pag-uusapan kumpara sa laki ng kanilang pasilidad.

Sa kabila nito, nagagawa pa rin ng mga inmate na magdiwang dahil karamihan sa kanila ay nakapagpapatuloy ng pag-aaral sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan.

Noon lang nakaraang linggo, 14 na inmates ng NCJ ang  tumanggap ng diploma mula mismo kay Mayor John Rey Tiangco makaraang magtapos sa ALS. Ipinaalala sa kanila ni Mayor Tiangco na pansamantala lamang ang pamamalagi nila sa city jail kaya’t dapat din nilang paghandaan ang kanilang paglaya upang maging matatag sa panibagong hamon ng buhay.

Inalok din ng alkalde ang mga nagtapos na detenido na mag-aral ng libre sa Navotas Polytechnic College sa oras na sila’y makalaya o maaari rin silang kumuha ng libreng technical vocational courses sa dalawang training centers ng lungsod na maghahandog ng mga kursong carpentry, animation, visual graphics at iba pa.

Sa ngayon, malapit ng matapos ang ipinatatayong extension ng NCJ sa pakikipagtulungan ng Bureau of Jail Management and Penology kaya’t ganoon na lang ang pasasalamat ng warden na si Supt. Ricky Heart Pergalan kay Mayor Tiangco dahil maiibsan na ang pagsisikip ng mga inmate sa naturang pasilidad.

Si Supt. Pergalan, na isa ring abogado, ang nagsulong upang mapalawak ang pasilidad ng NCJ at nanguna rin sa pagpapatupad ng mga pagbabago na naging dahilan upang maging drug free ang pasilidad at negative sa drug test ang lahat ng mga jail guard at kawani.
Nabubukulan

May hinala ang isang mataas na opisyal ng Caloocan Police na may ibang nakikinabang sa pondong nagmumula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na nakalaan sa pangangailangan ng mga nahuhuli at nakapiit sa kanilang Jail Management Section.

Nang malathala sa On The Beat  ang tinuran ni Northern Police District (NPD) Deputy Director for Administration Sr. Supt. Ariel Arcinas na may pondo ang regional office na nakabatay sa dami ng bilanggo sa mga police station, gulat na gulat ang mataas na opisyal dahil hindi nila batid na may pondo para rito pero naniniwala siya na totoo ang sinabi ng NPD deputy director.

Sabi ng opisyal na masusi nilang aalamin kung sino ang nakikinabang sa malaking pondo na bagama’t naantala ng isa hanggang tatlong buwan ay tiyak namang naipapamahagi kaya’t hindi malayong may ibang nakikinabang dito.

Sa mga puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.