Basura sa Malabon dapat tutukan

HALONG tuwa at inis ang naramdaman ng buong bansa nang binuksan  muli ang Boracay. Matapos ang anim na buwang rehabilitasyon, pinapasok na muli ang mga turista sa ipinagmamalaki nating isla.

Higit sa tuwa ng mga bisita ay ang nakuha ng mga lokal na negosyante sa lugar dahil sa wakas ay kikita na silang muli.

Pero matapos ang programa sa muling pagbubukas ng Boracay ay nag-trending agad sa social media ang larawan ng mga basurang iniwan na lamang ng mga kalahok sa grand opening ng isla.

Nakakainis ito dahil sa kabila ng pag-ayos sa polusyong sumira sa isla, ay pagbabalik naman ng kalat. Sa susunod dapat yata yung mga tao na ang kailangan i-rehabilitate?

Pero binabati natin ang mga myembro ng inter-agency na tumutok sa Boracay Rehabilitation Project. Nariyan ang DENR, DoT, DILG, DoH, DOTr, at DoJ.

Tunay na political will ang ipinakita ng mga ahensyang ito. Ngayon lang ako nakarinig na ang isang buong isla ay isasara upang ayusin.

Sana lang ay hindi matapos sa rehabilitasyon ang programa ng pamahalaan para sa Boracay. Dapat ay panagutin ang lahat ng dapat managot sa pagkabulok ng isla. Dapat ay kasuhan ang mga nagpabaya sa kanilang tungkulin na pangalagaan ang Bora. At higit sa lahat, dapat habulin ang mga establisyemento na walang pakundangan na sumira sa isla para lang kumita.

Ito rin ang dapat gawin sa Malabon City. Madalas bahain ang syudad at pagtaas ng tubig ay kasabay nito ang paglutang ng napakaraming basura.

Dapat ay pinapatupad ng lokal na pamahalaan ang ordinansa nito laban sa pagkakalat, kung meron man. Dapat ay istriktong gawin ang segregation ng basura para ang mga pwede pang pakinabangan ay ma-reuse o recycle.

Dapat ay may programa rin ang mga lungsod gaya ng Malabon para sa urban gardening nang sa gayon pati ang mga biodegradable na basura ay kayang gawing pataba sa lupa.

Ibinalita nga sa akin ni Atty. Domingo Clemente, Regional Director for NCR ng Environmental Management Bureau, na pormal nang nakipagkasundo ang ahensya sa Bgy. Panghulo at Bgy. Niugan para sa Materials Recovery Facilities o MRF.

Mandato kasi ng bawat lokal na pamahalaan ang magkaroon ng MRF alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o RA 9003.

Kaya noong nagpulong kami ng DENR-NCR at EMB-NCR, binanggit ko na sana ay magbigay ng technical at financial assistance ang Malabon City para mabawasan ang problema sa basura.

Binabati ko ang dalawang barangay na ito dahil pumasa sila sa criteria na itinakda ng Section 32 at 33 ng RA 9003.

Ang hamon ko sa mga opisyal at residente ng dalawang barangay na ito ay paghusayan ang pagdidispose sa basura upang  pamarisan ng iba.

(pakilagay na lang po ang facebook and twitter accts)   @RickySandovalMalabon