4,464 guests

Balik sa pagsasaka si Cabsec Jun Evasco?

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 455

ISA si Cabinet Secretary Jun Evasco sa smooth operator at masasabing mabuting manggagawa ng gobyerno.

Hindi ito ordinaryong politiko na maya’t maya ay iyong maririnig na nakikipagtagisan sa oratorical contest. Mas malalim si Evasco sa maraming opisyal na ating nakilala.
   
Bukod kina Special Assistant Bong Go, Finance Secretary Carlos Dominguez at Executive Secretary Bingbong Medialdea, si Evasco ang isa sa mga most trusted ni Pangulong Rody Duterte.
   
Iba ang karakter ni Evasco na dating alkalde ng Maribojoc town sa Bohol. Noong lindol at bagyo sa Bohol, si Evasco lang ang pumalag sa mga national politician na nagtangkang gamitin ang kalamidad para sa kanilang mga political interest.
   
Hindi niya pinaporma ang mga trapo na nagpapanggap na nagbibigay ng relief goods dahil alam niyang parang buwitre ang mga ito na nagdiriwang sa sinapit ng kanyang mga kababayan.
   
Personal nating kaibigan si Evasco kaya alam natin ang kilos niya sa maraming pagkakataon. Napaka-low profile at hindi mahilig sa kislap ng ilaw ang taong ito.
   
Hindi lang ito the boy next door sa political career ni Digong, siya ang national campaign manager na naglatag ng mga programa at estratehiya ng kampanya. Dating pari at aktibo sa pagiging komunista noong dekada 70.
   
Lumabas sa mga balita na bihira magkaroon ng tiyansa si Evasco na makausap si Pangulong Duterte, lalo na sa kainitan ng rice importation issue. Hindi tayo nagtataka rito dahil hindi nga loud at assertive si Evasco.
   
Dumadaan pa rin siya sa protocol at proseso para makausap ang Pangulo kahit pa sabihin na masyado siyang maimpluwensiya bilang hepe ng 12 government agencies na may kinalaman sa poverty alleviation programs ng Duterte administration.
   
Nang huli kaming magkausap ni Mayor Jun, tinanong ko siya kung ano ang kanyang plano sa 2019 dahil may nagbulong sa akin na plano niyang kumandidatong gobernador ng Bohol.
   
Open daw ang lahat ng kanyang option, puwede siyang kumandidato, puwedeng manatili sa Palasyo or magbalik sa pagtatanim ng mga gulay sa 2019.
   
Senyales ba ito ng kanyang pagre-resign bilang Secretary to the Cabinet? Walang makapagsasabi dahil hindi rin naman bumabata si Mayor Jun. Baka mas gusto na niya ng stress-free life bilang magsasaka.
   
Pero sa tingin natin, importante ang papel ni Mayor Jun sa Duterte administration kaya mas gusto nating makasama siya ng Pangulo hanggang June 30, 2022.
   
Sa tingin natin, siya ang bumabalanse sa mga kilos ng mga tao sa Palasyo at ng mga malalapit sa Pangulong Duterte. Kung may poster boy ng good governance at its best, alam nating nasa kategoryang ito si Mayor Jun.
   
Umaasa tayong kung ano man ang namumuong tampuhan sa loob ng Palasyo ay mareresolba ito sa maayos na paraan.
   
Naniniwala tayo sa sinseridad ng mga taong nakapaligid kay Pangulo na ayusin ang bansa. At umaasa tayong maisasakatuparan ang mga programa ng pagbabago sa tulong ng lahat ng mga taong pumasok sa Palasyo noong katanghalian ng June 30, 2016 bago sila sabay-sabay na lumabas sa June 30, 2022.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.