4,719 guests

‘Balik-eksena’ ang PNP sa ‘War on Drugs’

  • Written by Paul M. Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 159

MULING papasok sa eksena ang Philippine National Police (PNP) sa giyera kontra-droga ng
administrasyong Duterte, na una ninyong nabasa dito mga kabayan, sa aking kolum noong Nobyembre 28
(‘Balik na sa Drug War ang PNP’).

Bagaman, ang PDEA pa rin ang magiging ‘lead agency’ sa kampanyang ito habang ‘active support’
lamang ang magiging papel ng PNP. Kung “ano” ang tunay na “kahulugan” ng ‘active support’ sa aktwal na
operasyon, ’yan ang dapat nating manmanan.
     
Sa ganang atin naman, hindi malayo na matapos “pumutok” ang balita ng muling pagbalik ng PNP
sa ‘Drug War,’ muling “manginginig” ang mga gumagamit at tulak ng droga na wala pa ring balak tumigil
sa kanilang iligal na gawain.
 
Hindi makakaila na ang ‘Oplan Tokhang’ ng PNP ang nagpatunay sa seryosong paglaban ni PDU30 sa
iligal na droga.
     
Makikita ito sa datos ng mga sumuko, nahuli, at maging ang mga napaslang sa pagsugpo kontra-
droga. Dangan kasi, dapat nating maisip na sa mga taong lulong na sa bisyong ito at nakikinabang sa
bilyoness na kinikita dito, hindi na talaga sila pahuhuli nang buhay at may mga sindikatong papatay
mismo ng kanilang mga tulak bago pa sila maituro.

Kaya heto na naman tayo muli sa pagharap sa giyera kontra-droga.
     
Siyempre, tiyak na may mapapatay, may madadamay, at siyempre pa rin, hindi matitigil ang mga
mag-iingay laban dito.
 
Masyado nang naging “kumplikado” (complex) ang ating problema sa iligal na droga.
    
At kung hindi pa naging presidente si Mayor Digong, hindi natin malalaman na matagal na pala
tayo sa kategorya ng isang ‘Narco State’ -- patunay ang pagkasangkot ng ilang mga politiko at iba pang
matataas na opisyal ng gobyerno katulad nitong si Sen. Leila de Lima.
     
Kaugnay nito, mismong si Gen. Bato Dela Rosa, “aminado” na mayroon sa hanay ng mga pulis ang
sangkot at protektor ng iligal na droga sa bansa.
     
At hindi ba “mahaba” rin ang listahan na binasa ni Pangulong Duterte na pangalan ng mga
politiko, opisyal ng pulis, at maging militar na sangkot o protektor ng iligal na droga?  At kung ang
mga malalaking opisyal nga ay sangkot sa droga, ang mga maliliit na pulis pa kaya?
     
Sa muling pagpasok ng PNP sa war on drugs ng administrasyong Duterte, kailangan ding bigyang
pansin ng pulisya ang kanilang sariling hanay at huwag nang kunsintihin ang ‘Ninja Cops’ sa katwiran
na “kabaro” kasi sa serbisyo.
 
Maliban kasi sa mga nadadamay na sibilyan, nadadamay din ang mga matitinong pulis na sinsero
at tapat na sumusugpo sa iligal na droga sa bansa.
     
Magandang halimbawa dito ang ipinakikitang kampanya ng QCPD sa pangunguna ni Gen. Guillermo
Eleazar.
     
Masasabi nating bagaman nga at tuluy-tuloy ang pagsugpo sa iligal na droga, marami sa kanilang
mga nahuling pusher at user ay mga buhay. Kumbaga, nakikita natin sa QCPD na “puwede” naman palang
maipatupad ang Oplan Tokhang nang tama kung tama ang namumuno.
     
Malayung-malayo sa nangyari sa Caloocan City (Northern Police District) na inulan ng
kontrobersya na humantong sa kawalan ng tiwala sa mga pulis na nauwi sa malawakang sibakan, yeheyy!
     
Malayo at masalimuot pa ang pagdadaanan ng administrasyong Duterte sa pagsugpo kontra-droga na
ayon pa nga kay Pang. Digong ay “aabutin” pa ng isang taon (2018-2019).
 
Una, hindi rin sapat na karamihan sa mga nahuhuli at napapatay ay mga maliliit na tao sa
lansangan. Higit na kailangan managot ang mga malalaking drug lord at mga smuggler gaya ng nangyari sa
Bureau of Customs sa ilalim noon ni Comm. Nick Faeldon nang makalusot ang P6.4 bilyon na halaga ng
shabu dahil sa “binaboy” na proseso ng BoC.
    
Wala pa rin sa mga opisyal ng pulis at militar na pinangalanan noon ni Pangulong Duterte ang
naiimbestigahan at nasasampahan ng kaso na may kinalaman sa illegal drugs.
     
(Si ex-PNP Gen. Marcelo Garbo na itinuro ni PDU30 bilang ‘Narco General’ ay kinasuhan sa
‘questionable wealth’ hindi bilang protektor o kasabwat ng sindikato ng iligal na droga).
     
Sa pagpasok muli ngayon ng PNP sa war on drugs, inaasahan nating marami na itong natutunan sa
mga pagkakamali ng ilang tiwaling pulis na dapat ay matagal nang kinasuhan at agarang sinibak sa
serbisyo.
     
Aber, dapat nga may ‘Walk of Shame’ din sila sa Camp Crame katulad ng ginagawa ni Mayor Tony
Halili sa Tanauan City, Batangas, hehehe! Kung kailangan silang “ipahiya,” eh di…ipahiya!
     
Gaya nga ng sinabi natin at ipinakitang halimbawa ng QCPD, kaya namang gawing tama ang war on
drugs nang hindi basta pumapatay na lamang ng mga ‘nanlaban’ (bagaman mas malapit sa katotohanan na
“itinumba” sila para hindi maituro ang  Ninja Cops na protektor nila).
 
Ang ikatatagumpay ng ‘War on Drugs’ ng gobyerno ay hindi lang nasa kamay ng mga tapat at
matitinong pulis at opisyal ng gobyerno. Makakamit ang tagumpay sa pagtutulungan nating lahat, malinaw
ba?