Bala at Pasabog

September 08, 2018

Nakapagtataka na tuwing may gustong ilaglag ang administrasyon, ang huling balang ginagamit ay ang pagkasangkot ng taong ito sa drug trade. Makabubuti naman ito kung mapatunayan na ang isang pulitiko o makapangyarihang tao ay talagang sangkot. Subalit ang pasanin ng patunay o burden of proof ay nasa nagbibigay ng akusasyon. Ngunit nitong nakaraan, tila yata nagkaroon ng maling pagkakaintindi sa prinsipyong ito. Pagkatapos magbigay ng akusasyon ng pangulo sa isang talumpati noong Agosto 14, 2018 na ang Naga City ay “hotbed” ng shabu, dumipensa agad ang kampo ng Pangalawang-Pangulong Robredo, pati ang lokal na gobyerno ng Naga, na ang pangulo ay nag-akusa ng walang basehan.

Ang tugon naman ng Malacañang sa pamamagitan ng tagapagsalita ng pangulong si Sec. Roque ay: “Kung sa tingin nila mali ang Presidente, hindi hotbed of shabu ang Naga, patunayan nila. Labanan nila 'yong mga nagbebenta ng droga sa Naga...”

Una, ang paglaban sa nagbebenta ng droga naman talaga ang tamang tugon sa akusasyon. Sa katunayan, ito ang isa sa mga pangunahing tungkulin ng bawat bayan  sa pagpapatuloy ng laban kontra droga ng administrasyon. Ngunit pangalawa, wala sa kampo ng inaakusahan ang pasanin ng patunay. Sa lohika at argumentasyon, ang pasanin ng patunay ay nasa nag-aakusa at hindi kabaligtaran. Tila yata hindi ito naisaisip ni Roque nang sinasabi niyang “patunayan” na ang Naga ay hindi hotbed ng shabu. Dapat nating tandaan na hindi naman nagbitiw ng akusasyon si Robredo o ang lokal ng Naga. Bakit sila ang may kailangang patunayan? Nasa kanila ba ang pasanin ng patunay?

Noon namang ika-apat ng Setyembre, pumutok ang balita na binabawi ang amnestiya na naibigay kay Sen. Trillanes sa kanyang kasong rebelyon noong 2011. Kasunod nito ang paghamon ng mga sumusuporta sa administrasyon na harapin na lamang ang kanyang kaso. Isa sa mga kilalang personalidad na gumawa nito ay ang artistang si Robin Padilla. Bagama’t hindi masyado makikita ang paglabag sa pasanin ng patunay dito kahit sinasabi ni Padilla kay Trillanes na patunayan na siya ay walang kasalanan, ito ay may paglabag na naman sa tamang lohika na sana ay pinag-iisipan ng mga mamamayan.

Hindi naman kaya magaling talaga ang administrasyon kung kailan ito magpapaputok o magpapasabog? Tila yata ito ay isang pasabog para malihis ang isyu ng bansa. At habang ginagawa ito, hindi natututo ang mga Pinoy kung ano nga ba ang mas napapanahong pagtuunan ng pansin.

Ilang linggo ng laman ng balita ang isyu ng bigas. Patuloy ring tumataas ang presyo ng mga bilihin sa palengke at mga produktong petrolyo. Sa madaling salita, patuloy ang pagtaas ng inflation rate. Sana ay hindi makalimutan ng mga Pinoy ang mga isyung ito sa kabila ng pag-ingay ng isang balitang parang pinag-isipan kung pwede na bang pasabugin o hindi pa.

Maaaring isipin na nahahati ang ating bansa na may kinalaman kung sila ba ay anti o pro-Duterte. Masasabing mali ito sapagkat may mga Pinoy na pinipiling maging objective sa kanilang alyansa. Ngunit ngayon ay maraming natutuwa dahil nakitang nalalagay sa alanganin ang isang kritiko ng pangulo (o naiinis dahil ito ay panggigipit sa kritikong ito). Ngunit mahirap isiping may dapat ipagdiwang habang  walang panghanda dahil sa mataas ang presyo ng mga bilihin.