Bakit nga ba, DG Aquino?

October 23, 2018

PORMAL na humarap kahapon sa media si Bureau of Customs (BoC) commissioner, Isidro Lapeña, upang sagutin ang mga “banat” na inabot niya sa “pinagsanib” na puwersa nina PDEA director general, Aaron Aquino at, BoC Deputy Collector, Atty. Lourdes ‘Dhess’ Mangaoang noong isang linggo.

At uulitin natin ang obserbasyon ng mga miron na “tumindi” ang mga upak kay Comm. Sid habang nasa labas siya ng bansa upang dalawin at makasama kahit pansamantala ang kanyang ina na nasa ‘Tadong Unidos sa ika-91 kaarawan nito.

Kumbaga, ‘on heightened campaign’ ang mga banat at bintang kay Comm. Sid sa panahong wala siya sa posisyon upang ipagtanggol ang kanyang sarili kaya naman kahapon ay hindi nag-aksaya ng panahon upang “ibangon” naman ang kanyang “nabugbog” na pangalan at integridad.

At napansin natin na sa kanyang ‘press conference’ kahapon, talagang ‘gentleman’ at marunong “gumalang” sa mga proseso itong si Comm. Sid, mga kabayan.

‘Factual’ kasi ang kanyang naging presentasyon kaya hindi masasabing “espekulasyon” lang ang kanyang mga binitiwang pahayag kahapon.

Halimbawa, kahapon lang natin nalaman na taliwas sa “drowing,” agh, “bersyon” ng PDEA na PDEA ang “nakadiskubre” ng 4 na ‘magnetic scrap lifter’ sa isang warehouse sa GMA, Cavite, noong Agosto 9 na ipinipilit nitong naglalaman ng “nawalang” 1,600 kilo ng shabu, ang BoC pala ang unang “nakatunton” nito at BoC ang “nagtimbre” nito sa PNP at sa PDEA.

At taliwas din sa impresyon ng publiko na “sariling trabaho” ng PDEA ang “pagkatunton” dito kay Joel Maritana, ang ‘scavenger’ sa Cavite na gustong “ilaglag” nitong si BoC intel agent, Jimmy Guban, ‘partial truth’ lang din pala ito dahil, kasama rin ang BoC at PNP sa nasabing operasyon.

Uulitin natin mga kabayan na itong si Maritana ang lalabas na “kawawa” sa insidenteng ito dahil “siya” ang gustong “paaminin”  ng “sindikato” nitong sina Jimmy Guban, PDEA deputy director, Ismael Fajardo at PNP ‘anti-drug operative,’ Col. Jojo Acierto na “may-ari” ng mga nasabing ‘lifter’ na umano’y “pinaglagyan” ng mga “nawawalang” shabu.

Translation? Binalak nitong sina Guban, Fajardo at Acierto na “iligtas” ang may-ari nitong ‘SMYD Trading’ na siyang ‘importer’ ng “pinagtatalunang” ‘magnetic lifters’ dahil gagawin nilang ‘fall guy’ itong si Maritana.

Kung bakit nawala ang detalye ng partisipasyon ng Aduana sa dalawang insidenteng ito, dapat sigurong ipaliwanag ni PDEA Director General Aaron Aquino, hindi ba, Senate Blue Ribbon Committee chairman, Sen. Dick Gordon?

At ang mas malaking ‘question mark’ na dapat ipaliwanag ni DG Aquino ay ang binanggit ni Comm. Sid na matapos matukoy sa GMA, Cavite warehouse ang kargamento noong Agosto 9, bakit “sinira” ng PDEA chief ang “usapan nila ni Comm. Sid at Chief PNP Oscar Albayalde na huwag munang “ilabas” ang insidente sa publiko.

Dangan kasi, sinabi umano sa kanila ng “may-ari” ng warehouse na batay sa kanilang pagkaalam, “may mga kasunod” pang katulad na kargamento ang inaasahan nilang dumating.

“However, on August 10, we (Lapeña, Albayalde) were surprised when DG Aquino held a press conference immediately after, ‘burning’ the entire follow-up operations and backtracking efforts that was agreed upon (between PDEA-Region 4A, PNP, BOC),” banggit pa ni Comm. Sid.

Eh, napakasimple ng ‘translation’ dito, ‘di ba, Pang. Digong? Hindi ba lumalabas na mismong si DG Aquino ang “sumunog” sa “ikinasa” nilang ‘follow up operation? Eh, bakit?

At dahil nga “sunog” na, ano pang ‘follow-up operation’ ang mangyayari na posibleng magresulta sa mga personalidad na nasa likod ng insidenteng ito at pagkatukoy sa mga “naipuslit” na shabu, sakali ngang totoong naipuslit ang mga ito?

Ayon pa kay Comm. Sid, sa naunang insidente noong Agosto 5 sa MICP kung saan nabisto ng BoC at PDEA ang may 355 kilos ng shabu na nakalagay din sa dalawang ‘magnetic lifter’ na “nakapangalan” sa Vecaba Trading, kahit siya ay nagulat dahil nang dumating si Aquino sa MICP, kasama nito si Col. Acierto!

“In fact, I was surprised why Acierto is with DG Aquino during the opening of Vecaba Trading in MICP. I really wondered what was Acierto’s business in that operation,” ani Comm. Sid.

Oops, teka pala, Sen. Dick Gordon, hindi ba sa huling pagdinig ng SBRC sa isyung ito, ang ‘version of events’ nitong si Acierto eh, “mag-isa” lang siyang nagpunta sa MICP? Hindi ba dapat sinabi niya sa iyo na “kasama” pala siyang dumating sa MICP ng “bosing” ng PDEA!

Sa kabila ng makataas-kilay na mga detalyeng ito, dear readers, napansin natin ang pagiging totoong ‘gentleman’ ni Comm. Sid dahil binigyan pa rin niya ng ‘benefit of the doubt’ si Aquino -- bagaman nga tahasan kung “bugbugin” siya nito sa media.

“I do not blame the PDEA chief. I now realized that both I, and PDEA chief Aquino may have been misled. Mukhang scripted ang buong pangyayari.

“A script concocted by the same drug syndicate. A script, that perhaps, some actors of the syndicate are still following to this day. A ‘staged drama’ to put the PDEA and the BoC on a bitter war, while the enemy regroups. We should not fall to this cloak-and-dagger-style of disinformation…

“I hope DG Aquino will refrain from issuing propaganda-like statements that fuel distrust in government. We should not let our offices be manipulated by them. Statements like ‘marami na akong kakampi sa Customs’ further bolters disharmony and disagreement,” ani Comm. Sid.

Translation? Sa “tingin” ni Comm. Sid, kahit si DG Aquino ay “napaikot” nitong ‘Acierto-Fajardo-Guban Syndicate’ kaya “nauunawaan” niya ang “hugot” ng PDEA chief.

Ayon naman sa ibang miron, kaya “ayaw tantanan” ni DG Aquino si Comm. Sid eh dahil… “interesado” itong palitan siya sa puwesto, puwede, hehehe!

At puwede rin kayang may gusto siyang itago at pagtakpan katulad nang, ano nga ba ang paliwanag niya sa mga detalyeng inilabas kahapon ni Comm. Sid? Ano sa tingin mo, Pang. Digong? Abangan!