5,218 guests

Bahagi ng destab ang panggugulo ng KADAMAY sa Pandi, Bulacan?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 1188

HABANG isinusulat ko ito kahapon ng umaga ay wala pang linaw kung ipatutupad (o ipinatupad na) ang ‘eviction notice’ na inisyu ng National Housing Authority (NHA) para sa libong bilang na miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) na puwersahang umokopa sa anim na ‘government housing projects’ sa Pandi, Bulacan noon pang Marso 8 ng taong kasalukuyan.

Sinabi ni ground commander Chief Insp. Manuel de Vera, hepe ng Pandi Police Station, anuman ang desisyon ng NHA ay hindi sila mangingiming ipatupad ang eviction notice dahil ito ang naaayon sa batas.
   
Tama ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na anarkiya ang nais palabasin sa marahas na hakbang ng KADAMAY.
   
Kahit saang anggulo tingnan, walang karapatan ang KADAMAY na basta na lamang nila pasukin, okopahin at ariin ang anumang property sa kanilang paligid -- mapa-government projects man o pribado man.
   
Nakalaan sa ating mga sundalo at kapulisan ang kabuuang 2,300 units na itinayo sa Pandi at San Juan del Monte, Bulacan. Sa nasabing bilang, 300 pa lamang dito ang naipamahagi, ngunit 2,000 ang hindi pa natitirhan.
   
Ayon sa KADAMAY, layunin ng kanilang marahas na aksiyon na matawag ang atensiyon ng pamahalaan para masolusyunan ang matagal nang problema sa pabahay  sa mga kababayang mahihirap.
   
Para sa akin, nagtagumpay na ang KADAMAY sa kanilang layunin dahil hindi lamang Palasyo ng Malakanyang ang napukaw ang kanilang atensiyon kundi pati na rin ang iba’t ibang sektor ng lipunan.
   
Katunayan, may pahayag pa nga si Senador JV Ejercito kamakailan na dapat imbestigahan kung bakit hanggang ngayon ay 60,000 housing units pa na naitayo na ng NHA ang hindi pa rin naipapamahagi sa ating mga kababayan.
   
Sa ilalim ng Executive Order No. 90,  NHA lamang ang nag-iisang ahensiya ng gobyerno na binigyan ng kapangyarihan para sa ‘direct shelter production’ na may layuning magbigay ng housing assistance sa mga  ‘income earner’ nang magkaroon sila ng sariling tahanan lalo na iyong mga nasa slum area.
   
Kabilang sa flagship projects ng NHA ang housing program para sa Informal Settler Families (ISFs) na nakatira sa mga delikadong lugar at siyempre ang AFP/PNP Housing Program.
   
Sa ulat ng NHA, nasa 13,328 units ang naitayo para sa housing program sa ilalim ng ISFs sa ‘danger areas’ sa Pandi, Bulacan pa lamang kung saan 9,380 units na ang naipamahagi sa mga benepisaryo at 3,948 ang wala pang nakatira.
   
Sinabi ni Ejercito na mahalagang magkaroon ng imbentaryo sa mga housing unit na hindi natitirhan upang maibigay agad ito sa mga kuwalipikadong mahihirap na beneficiaries nang hindi naman masayang ang pondo ng gobyerno sa pagpapagawa ng mga ito.
   
Kapartido ng Duterte administration si Ejercito at desidido ang masipag na senador para malaman kung bakit at ano ang tunay na dahilan sa nauudlot na pamamahagi ng 60,000 housing units ng NHA.
   
Kung talagang pagtawag lamang sa atensiyon ang nais ng KADAMAY, puwede nating sabihin na nakamit na nila ito.
   
Hindi lang natin malaman ngayon kung bakit kailangan pa nilang ipagpilitan na tirhan ang mga housing unit sa Pandi, Bulacan sa kabila ng nagdudumilat na katotohanan na hindi ini-award sa kanila ang mga naturang pabahay.
   
Hindi  magandang pangitain ang marahas na pag-squat ng mga KADAMAY member sa pabahay sa Pandi, Bulacan dahil sila mismo ang nagpapakita sa taumbayan na hindi na sila kumikilala sa batas.
   
Simpleng argumento lang ito para sa mga ate at kuya natin sa KADAMAY. Ibig bang sabihin dahil wala rin kayong pera at kotse ay basta n’yo na lang aagawin ang sinumang makursunadahan  ninyong sasakyan at basta kukunin ang makikita ninyong pera kahit hindi pa sa inyo?
   
Matino naman siguro ang pag-iisip ng karamihan sa mga miyembro ng KADAMAY. ’Wag sana nating ipairal ang emosyon at galit para lamang magkaroon ng madugong sagupaan sa pagitan ng inyong hanay at kapulisan.
   
May tamang proseso tayong dapat sundin at may tamang pamamaraan para maging maginhawa ang ating pamumuhay.
   
Kaisa tayo ng maralitang tagalungsod sa paghangad ng magandang pamumuhay sa lahat ng sektor ng lipunan.
   
Ayaw ko ring isipin na ilan sa namumuno sa KADAMAY ang nakikipag-ugnayan ngayon sa  ‘dilawan’ para lamang mapursigi ang ‘destabilization plot’ laban sa kasalukuyang administrasyon.
   
Higit lalo ay kitang-kita ko ang bulto ng KADAMAY noon habang nakasakay sa mga pampasaherong jeep na dumalo kamakailan sa selebrasyon ng EDSA-People Power 1.
   
Kung ang mga tagasuporta ng Pangulong Rodrigo Duterte ay nagtipun-tipon sa Luneta Grandstand sa Maynila, ang mga supporter ng Liberal Party ay nagpu-programa naman sa EDSA kung saan ay iniwawagayway din sa pulutong na iyon ang  bandera at streamer ng KADAMAY.
   
Ang ibig kong sabihin, hayagan ang pagsuporta ng KADAMAY sa mga dilawan kaya hindi malayong mag-isip ang taumbayan na ilan sa  namumuno rito ang nagpapagamit para naman ipahamak ang kanilang miyembro sa isang gulong hindi dapat mangyari kung kikilalanin lamang natin ang tamang proseso ng batas.
   
’Wag naman sana, mga kasama!