7,409

Baha at basura

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 756

Nitong mga nagdaang araw ay nakaranas tayo ng sunud-sunod at halos walang tigil na ulan dulot ng bagyong Domeng at ng kasunod nitong Habagat. Hudyat na nga ito ng simula ng tag-ulan.

Ang ulan ay may iba’t ibang ibig sabihin para sa iba’t ibang tao. Para sa iba, ito ay biyaya lalo’t ’pag bumuhos ito matapos ang mahabang panahon ng tag-init o kaya tag-tuyot. May mga tao na masaya ’pag umuulan, ngunit may mga tao din naman na nakakaramdam ng kalungkutan sa tuwing umuulan. Kung titingnan sa isang siyentipikong pananaw, ang ulan ay parte ng ating buhay sapagkat ito ay isang phenomenon ng kalikasan. Anuman ang pakiramdam natin sa tuwing umuulan -- bumubuhos ng biyaya o umiiyak ang kalangitan -- mula sa isang siyentipikong pananaw ay mauunawaan natin na ang ulan ay isang natural na proseso at samakatwid anomang pinsala na dulot nito ay natural din lamang.

Halimbawa, dahil sa heograpikal na lokasyon ng Pilipinas sa mundo, natural ang makaranas tayo ng humigit-kumulang na 20 bagyo taun-taon. Natural din ang pagbaha at pagguho ng lupa. Ngunit dahil sa ating modernong pamumuhay, nagdudulot ng malalang pinsala ang mga natural na pangyayaring ito.

Tuwing umuulan, naaalala ko ang paglangoy namin sa baha doon sa Mayhaligue, Maynila. Ang saya, may nahuhuli pang carpa. Ngayo’y ’di na maaari dahil sa baha ng basura. Dati, may sayang dulot ang paglalaro sa baha. Ngayon, sakit o kamatayan ang aabutin mo ’pag ginawa mo ito.

Ang isang natural na pinsala tulad ng baha ay lumala na dahil sa ating modernong pamumuhay na nakadepende sa plastik at kaginhawaan o convenience. Oo, maraming dahilan ang paglala ng baha -- tulad ng pagputol ng mga puno at pagsara ng mga estero. Ngunit ang basura na itinatapon natin at bumabara sa mga kanal at lumulutang sa baha ay ang nagdadala ng mas masamang pinsala. Kamakailan, ipinakita sa iba’t ibang balita ang maraming parte ng Kamaynilaan na binaha dahil sa bagyong Domeng at habagat. Marami dito, tulad ng Estero Magdalena sa Tondo at sa mga palengke sa C.M. Recto, ay puno ng basurang nagsilutangan sa baha. Siguradong magkakasakit ang sinumang lulusong dito.

Matagal nang naisulat ng inyong lingkod ang problema ng baha. Hanggang ngayon ay wala pa ding solusyon dito. Isang solusyon na magagawa natin para mabawasan ang pinsala na dala ng baha ay ang solusyunan ang problema ng basura. Kung walang basurang nakakalat, walang mga basurang babara sa mga kanal at lulutang sa baha. Malaki din ang magagawa ng pagbabawas ng paggamit ng plastik at paggawa ng ecobricks.

Dapat nating solusyunan ang problema ng basura dahil ’pag ating ginawa ito ay ating mababawasan ang pinsala na dala ng baha. Baka sa gayon ay mas makita natin ang dalang biyaya ng pagpatak ng ulan.