Bagyong Ompong: Litmus Paper Test ng Bansa

September 18, 2018

Naging hands on sina President Duterte at kanyang mga Cabinet secretaries sa paghahanda, pagmomonitor, at pag responde sa pananalasa ng Bagyong Ompong.

Dahil na rin sa maagang ulat ng PAGASA, papasok pa lang sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo ay may ideya na ang mga opisyal at taumbayan kung gaano kalakas ang bagyo at anu-anong mga lugar ang lubos na tatamaan. 

Para sa akin nga, nakatulong pa na malinaw na ikinumpara ng PAGASA para sa publiko kung paano maihahambing ang Bagyong Ompong sa Bagyong Yolanda.

Sa mga balita, ipinaliwanag agad sa mga tao kung gaano kalakas ang aasahang ulan at hangin na dala ng bagyong ito.

Marami rin ang humanga sa naging pasya ng Pangulo naipadala ang kanyang mga Ilokanong Cabinet secretaries sa mga probinsya nila sa Norte na daraanan ng hagupit ng bagyo.

Dahil mas gamay ng mga secretaries na ito  gaya nina Labor Secretary Silvestre Bello at Transportation Secretary Arthur Tugade ang terrain ng mga probinsya sa hilaga, alam nila ang mga agarang pangangailangan ng lugar -- at syempre mas tumpak ang kanilang reporting sa Pangulo na nagmamatyag naman sa command center sa Metro Manila.

Binigyang diin pa lalo ng Bagyong Ompong ang pangangailangan ng isang Department of Disaster Resiliency.

Ang kagawaran na ito, sa oras na maging batas na, ang pangunahing kukumpas sa operasyon ng pamahalaan pagdating ng ganitong kalamidad. Marami rin ang nakapansin na hindi agad nakapagtext ang NDRRMC ng weather alert.

Dahil dito, inulan ng iba’t ibang hirit ang NDRRMC sa social media kung bakit wala pa ring text mula sa ahensya.

Wake up call ito sa ahensya na sa susunod ay dapat maaga silang magpadala ng mga babala dahil hindi sa lahat ng oras ay nakababad sa TV o social media ang mga tao.

Napuna rin ng mga myembro ng Gabinete na dahil ginagamit na evacuation centers ang mga paaralan, apektado rin ang pag-aaral ng mga bata sa lugar.

Dahil dito, pag-aaralan na ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga disaster-resilient na mga gymnasium sa mga bayan na pwedeng magamit bilang evacuation centers.

Marami rin ang nagulat sa pinsalang natamo ng Baguio City. Sa mga larawan na nakunan ng publiko, bukod sa landslides ay binaha rin ang ilang lugar sa syudad.

Nakakagulat ito dahil alam nating nasa itaas ng bundok ang lungsod na ito. Dapat ay aralin na ang urban plans ng Summer Capital natin gaya ng ginawa sa Boracay. Baka hindi na kaya ng drainage at sewerage system ng lungsod ang kasalukuyan nitong kapasidad.

Mabilis ding nagpasya si DENR Secretary Roy Cimatu para ipasara ang mga iligal na small-scale mines sa kabundukan.

Sa mga kuha kasi ng landslides sa mga bundok, alam agad natin na kung hindi illegal logging at illegal small-scale mining ang nag dulot nito. Mahirap mabantayan ang bawat bahagi ng bundok kung may patago bang naghuhukay para magmina.

Pero kailangang gawin ng pinagsamang pwersa ng DENR, DILG, at local na pamahalaan ang lahat para masigurong walang masisirang buhay o kabuhayan kapag dumating ang isa pang bagyo.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon.

Tagged Under