6,850

Bagsak ang lawyer ni VP Leni

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 238

sa moral and delicadeza subjects!

MAY sinasabi ang mga henyo sa pilosopiya na ganito ang linya: The only permanent in this world is change.

Maaring tama ito sa aspeto ng iba’t ibang bagay tulad halimbawa ng gadgets. Kahit sa mga tao, puwede rin ang pagbabago. Iyong masama noon, maaring mabuti na ngayon o kaya naman iyong mabuti noon ay masama na ngayon.

Pati sa mga batas, puwede rin ang pagbabago. Ang mga ipinagbabawal ngayon ay maaring legal noon.

Pero ang nakalimutan ni Atty. Romulo Macalintal, ang immoral noon at immoral ngayon ay hindi naman nagbabago. Hindi ko matatanggap ang katwiran ni Atty. Mac na walang masama sa outing ng mga revisor ni VP Leni at ng mga staff ng Presidential Electoral Tribunal.

Tama, walang masama kung ang kasama ng PET staff sa outing ay mga dating revisor sa protesta nila Mar Roxas at former VP Binay o kaya naman ay mga revisor nila Migs Zubiri at Koko Pimentel dahil may mga naging desisyon na sa mga kasong ito.

Hindi na ito makakaimpluwensiya kahit sa janitor ng PET.

Wala itong pinag-iba sa isang murder suspect na nililitis sa sala ni judge tapos makikita mong kainuman pala ng huwes ang akusado sa tuwing matatapos ang hearing!

Tanong, sinong ahensiya ba ng gobyerno ang dumidinig sa election protest nila Bongbong Marcos at Leni Robredo? Sagot: PET.

Puwede nating sabihing eksperto sa legal na usapin ang abogado ni VP Leni pero tahasan nating sinasabing sa row 4 ito nakaupo at katabi pa ng basurahan sa Moral and Delicadeza subjects.

Kung wala palang masama at walang immoral sa pagtatampisaw sa batis ng mga revisor ni VP Leni at ng PET staff habang dinidinig pa ang protesta at nagaganap ang recount, wala ring masama kung gawin nating day care teachers ang mga pedophile?

Kaya malaki ang problema ng ating bansa dahil may mga taong iba ang sukatan ng tama at mali depende sa kanila-kanilang biases.

Ang nakakalimutan natin, ang unibersal na pandayan ng tama ay hindi nagbabago. Ang tama at mali noong mga panahon ng ating mga lolo’t lola ay walang pagbabago.

Mukhang hindi ito alam ni Lolo Mac!