ARMADA: (Assembly of reformed drug addicts)

SA lahat ng nagdaang administrasyon, ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naglunsad at nagpatupad ng seryosong kampanya kontra iligal na droga.

Ang pusok ng kanyang kampanya kontra droga ay nagresulta sa pagkamatay ng halos 5,000 pusher at user ng iligal na droga.  

Ang bilang na ito’y sinalungat ng human rights advocates na nagsabing mahigit 12,000 na ang namatay sa laban ng gobyerno sa droga, dahilan upang kanilang kasuhan ng “crime against humanity” si Pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Dahil desididong puksain ang droga sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022, hindi pinansin ng Pangulo ang kaso, bagkos lalo niyang pinatindi ang kampanya ng pulisya kontra droga, kaya’t nagpatuloy ang “Oplan Tokhang” ng PNP, kung saan 5 pusher o user ang napapatay araw-araw. (bumaba ito mula sa 10 araw-araw na napapatay sa Tokhang noong Agosto 2017)   

Bagama’t madugo ang kampanya ng pamahalaan kontra droga, nanatiling popular ang Pangulo sa mga mamamayan.  Simple ang sagot rito. Dahil hindi maipagkakaila ang pagkawala o pagbaba ng mga krimen sa halos  lahat ng barangay sa Pilipinas.

Ang mga krimen na dati’y madalas nangyayari sa mga barangay, tulad ng akyat bahay o panloloob sa mga tahanan para pagnakawan ay nawala o nabawasan, nawala o nabawasan rin ang mga kasong rape, robbery, murder, o homicide sa buong Pilipinas. Wala na rin ngayon nababalitang mga taxi driver na naho-holdap

Ang dating tanawin sa mga barangay, mga lalaking hubad ang pantaas at nag-iinuman sa mga kalye ay wala na, kaya’t ang mga magulang ay kampante na ang kanilang mga anak na babae ay makauuwi ng ligtas sa gabi, mula sa trabaho o paaralan. Nakakalungkot subali’t sa kabila ng mapusok na kampanya ng pamahalaan kontra droga ay patuloy ang pagkalat at paglaganap ng droga sa bansa, partikular na ang ng shabu, na ang primerang dahilan ay ang hindi mapigil na pagpasok ng tone-toneladang shabu sa Bureau of Customs, na kalian lang ay nalusutan ng P6.8 bilyong shabu. Nuong nakaraang taon ay napaulat na P22 bilyung halaga ng shabu ang nakalusot sa BoC.

Dahil rito, hindi nawawalan ng supply ng shabu sa bansa at bagkos dumami at lumaki pa ito, kaya’t patuloy sa paggamit ng shabu ang ating mga mamamayan.

Marami ang nagtatanong, bakit sa kabila ng kaalaman ng mga drug pusher at adik na ang pagtulak at paggamit ng shabu ay ikamamatay nila ay patuloy nila itong ginagawa.

Ito ba’y dahil wala silang ibang pagkukunan ng pera, kaya’t patuloy ang kanilang pagtutulak?  O, sadyang hindi nila maiwasan ang giyang ng shabu, kaya’t patuloy silang tumitira?         

Mayroon akong kakilala na dating user at big time pusher ng shabu na naiwasan at tinalo ang bisyong ito at ngayon’y tumutulong sa maraming mga drug addict at pusher upang magbago.

Si Fr. Bobby De La Cruz, ka-brod ko sa Tau Gamma Phi fraternity, ay maraming taong alipin ng shabu at naging pusher, kung saan 20 kilo ng shabu ang kanyang itinutulak, kasama ang mga tiwaling pulis, subali’t dahil sa pagmamahal ng ina at sa tawag ng Diyos ay nagbago, naging pari at ngayo’y ang pinuno ng Sanlakbay ng Archdiocese ng Manila, na tumutulong sa mga libu-libong drug-addict upang magbago.

Isa pa si Benjie Abad, kung tawagin ay “Mang Urot,” ang pinuno ng NGO na “Karinderia ni Mang Urot,” na nagpapakain sa mga street at homeless children sa Quezon Avenue, sa may Times Street, Quezon City.

Halos sampung taon nang nagpapakain si Mang Urong sa mga pulubi sa Quezon Avenue, mula sa sariling pera. Ang kanyang gawain ay nalaman ng lahat ng media, kaya’t siya’y ininterview ng mga kilalang broadcasters, tulad nina Arnold Claudio, Corina Sanchez at iba pa. Na-feature rin siya at pinarangalan ng lahat ng mga pahayagan, maging ng CNN at ibang international media.

Inimbitahan rin siyang magsalita sa iba’-t-ibang pamantasan bilang modelong mamamayan na tumutulong sa kapwa.  

Ang hindi alam ng mga mamamayan, tulad ni Fr. Bobby, dati ring drug addict si Mang Urot at ito’y hindi niya ikinahihiya.

Aniya, ang ikahihiya ko ay “kung ako ay madamot sa aking kapwa”.

Sina Fr. Bob at Mang Urot ay halimbawa ng mga dating drug addict na nagbago at ngayo’y mga modelong mamamayan at lider ng ating bansa.  Nais nilang ibahagi ang kanilang karanasan, kung paano nila tinalo at napag-tagumpayan ang salot ng droga.

Nitong mga nagdaang araw ay kinausap ko sila at sinabi ang hangad kong makatulong sa paglutas sa malaking problema ng bansa sa droga. Nagkaisa kami na tulungan ang mga mga katulad nilang naging drug addict at pusher, subali’t nagbago dahil sa pagmamahal ng pamilya.

Sina Fr. Bob at Mang Urot ang makakasama ko sa pagtatayo ng grupong Armada o Assembly of Reformed Drug Addicts. Kung sino ang nais sumali ay tumawag sa inyong lingkod, sa 0920-973-6586.