4,997 guests

Anti-Distracted Driving Law: Sibakin din ang LED screen ads

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 484

Hala bira!

SINIMULAN nang ipatupad ng LTO, MMDA at local traffic authorities ang bagong batas na kung tawagin ay Anti-Distracted Driving Law.

Mabigat ang parusa sa mga mahuhuling lalabag sa batas na ito. Limang libong piso ang multa sa unang pagkakahuli.

Tataas hanggang P20,000 ang penalty sa violators depende sa sitwasyon o kapag naging sanhi ng aksidente ang paggamit ng driver ng cellular phone habang nagmamaneho bukod pa ang kanselasyon ng lisensiya.

Sinimulan nitong Huwebes, May 18 ang full implementation ng batas na ito na kung hindi tayo nagkakamali ay si Congresswoman Gloria Arroyo ang main author.

Kasama sa mga ipinagbabawal ay ang paggamit ng gadgets habang nagmamaneho. Malawak ang ibig sabihin ng gadgets, puwedeng cellphone, ipad, car television at dash cam na makakaharang sa iyong paningin.
    
Okey naman para sa ating lahat ito dahil nakita na natin na maraming aksidente ang naitala dahil sa paggamit ng telepono habang nagmamaneho. Pero hindi kasali rito ang hands free o iyong hindi mo naman hawak ang telepono habang nakikipag-usap.
    
Puwedeng naka-speaker phone or naka-bluetooth.
    
Nakita rin natin ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho ang nagiging sanhi ng pagbagal ng daloy ng mga sasakyan dahil iyong nasa harapan mo ay parang gago lang na walang pakialam sa kanyang likuran dahil nagte-text.
    
Lalo na kapag kaaway ang misis sa kabilang linya ng telepono, naku, asahan mong konting gitgit lang, road rage na ang kasunod.
    
Pero dapat ay hindi rin limitado sa loob ng sasakyan ang matutukoy na distractions. Ang malalaking billboards, lalo na iyong mga seksi at matso ang nakalarawan, distraction din ’yan sa mga driver.
    
Ang mga sobrang laki na LED visual ads gaya ng nasa gitna ng Cubao-Edsa-Araneta Center, kapag natapat ka sa sobrang liwanag sa gabi ay blinded ka rin ng kanilang napakalaking sakop.
    
Iyong nasa gilid ng Camp Aguinaldo-North bound na LED ads ay grabe rin ang distractions sa mga driver. Pati iyong nasa Boni South Bound before ka dumating sa Guadalupe Bridge ay sobrang liwanag din sa gabi.
    
Kung talagang seryoso tayo na alisin ang mga distraction at obstruction sa mga driver, lahatin natin ang paglilinis sa loob man o sa labas ng sasakyan.
    
Seryoso ang DOTr, LTO at MMDA sa kanilang kampanyang sagipin ang mga tsuper, pasahero at mga madadaanan ng mga sasakyan kaya sa tingin natin dapat ding tingnan ang sangkatutak na LED screen na nagkalat sa maraming lugar sa Metro Manila na sagabal din sa mga nagmamaneho.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.