5,188 guests

Ano ang nangyari sa MMDA?

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 126

Panahon ni G. Tim Orbos ng Metropolitan Manila Develepment Authority (MMDA), gumaganda na sana ang
pamamahala ng trapik bagaman masikip pa rin ang daloy nito at nasa level pa rin ng krisis. Ngunit
kumilos siya ng matapat at pinagtatanggal ang mga sasakyang nakagarahe ng 24/7 sa mga kalsada ng Metro
Manila. Maraming nahatak ang MMDA kahit na may pumapalag na ilang residenteng bukong-buko na
nakaparada o nakagarahe sa pampublikong kalsada.

Nalipat-napromote si Orbos at pumalit si dating Heneral Danny Lim bilang chairman ng ahensya.
Seryoso rin ang dating heneral at sa mukha pa lang niya ay makikitang determinado siyang lutasin ang
krisis-trapik. Sinuyod din nila ang mga lansangang ginawa ng pribadong pag-aari ng mga motoristang may
kotse man o malalaking sasakyan. Hinatak ang mga lumalabag.
    
May ilan na namang pumalag sa ginawa ni Chairman Lim na pag-aayos. Pagkaraan ng mga pagbisita
sa ilang terminal at condotel, tila natahimik na ang ahensyang ito sa paglilinis ng mga nakahambalang
na mga sasakyan sa pampublikong kalsada.

Ang mga sasakyang ito ang isa sa mga dahilan ng krisis-trapik sa Kamaynilaan! Kailan lang ay
may sinaklolohang residente ang 911 sa isang village sa lunsod Quezon (QC). Dumating ang isang
volunteer fire truck. Sinundan ito ng ilan pang sasakyan ng pulisya. Dumating ang trak bumbero ng
Bureau of Fire. Nahirapan silang pumasok dahil maraming nakagaraheng sasakyan sa magkabilang bangketa
at kalsada. Parang public parking area ang maliit na kalsada. Mapanganib ito! Paano makatutulong ang
mga emergency vehicles sa humingi ng saklolo? Masikip ang mga kalsada dahil sa mga nakagaraheng
sasakyan!
    
Kung itinuloy lang ng MMDA ang panghahatak sa mga sasakyang pasaway at ginagawang garahe ang
mga kalsada, matututo din ang mga pasaway sa katagalan. Kung patuloy silang lumalabag sa mga ordinansa
o batas patuloy din silang dapat hulihin hanggang sa matuto!
    
Kaya lumalakas ang loob ng mga pasaway sa mga programa ng gobyerno ay alam nilang sa simula
lang ito masigasig. Ningas-kugon kung tawagin! Sa umpisa lang magaling!
    
Dapat ay tuloy-tuloy lang ang pagpapatupad ng mga ordinansa, batas, at regulasyon sa mga bayan
at lunsod ng Metro Manila. May pumipigil bang pulitiko sa ginagawang pamamahala ng krisis-trapik? Sana
wala. Dahl kung mayron, malamang na nagbitiw na si Chairman Lim tulad nang ginawa niyang resignation
sa tadtad ng korapsyon na Bureau of Customs.
    
Mungkahi ko’y patawan ng multa ang mga nakagaraheng anumang uri ng sasakyan sa mga
pampublikong kalsada ng P100,000 o isandaang libo piso. Iimpound ang mga sasakyan! Gawin itong
ordinansa o resolusyon ng Metro Manila Council at tiyak na susundin ang pagkilos na ito.
    
Ang problema, ano rin ang ginagawa ng mga pinuno ng lunsod sa Metro Manila? Dapat ay
tinutulungan nila ang MMDA bilang kasapi ng MMC sa pamamahala ng krisis-trapik sa bansa ni Juan.
Sang-ayon ba sila sa pagsasaayos ng krisis-trapik o baka naman tutol sila? Nililinaw ko lang dahil sa
nakikita kong mga nakahambalang na mga sasakyang nakagarahe sa mga pampublikong kalsada sa aking pag-
ikot sa Kamaynilaan ay parang walang kumikilos sa kanila direksyong patinuin ang krisis-trapik sa
Metro Manila. Nagtatanong lang ako.
    
Kung magpapatuloy ang ganitong gawain ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan, kailangan marahil
ang kumbinasyong Orbos at Lim upang matapat na tuluyang malutas ang krisis-trapik sa Metro Manila.
(This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)