5,329 guests

Ang paglago ng ekonomiya

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 410

Pointguard

NAKATAWAG ng aking pansin ang “PH a fourth World Country?” na sinulat nuong Oktubre 19, 2017 ni Atty. Francis Lim, dating Philippine Stock Exchange President (2004-2010) [http://business.inquirer.net/238832/PH-fourth-world-country? utm.terms=autofeeds] binuksan ko nuong Oktubre 20, 2017.

Ano kamo? Ang Pilipinas ay magiging Fourth World Country? Ano ba kaya ang ibig sabihin ng termino na ito?  Imbes na umaangat at maging 1st World Country, pababa ang direksyon ng ating bansa? Mali ba ang ulat na maganda  naman daw ang tayo ng ating ekonomiya ayon sa Economic team ng administrasyong Duterte at ng IMF-WB.

Bago magsiklab ang damdamin ng mga dutertards, nais kong ipaliwanag kung saan nagmumula si Atty. Lim. Kanyang isinaysay ang ulat ni PSE President Ramon S. Monzon na naging panauhing pandangal sa isang pagtitipon ng Shareholders Association of the Philippines kamakailan lamang.

Ayon kay Monzon, ang Philippine Stock Exchange (PSE) ay isa sa pinakamatagal na bursa sa bentahan at  palitan ng mga shares ng korporasyon sa buong Asya subalit ngayon ay nananamlay kung ikukumpara sa mas bagong bourses sa ASEAN batay sa mga datos ng Agosto 2017.

Tatlong kategorya ang pinatitingnan sa ating datos: bilang ng listed companies, average Daily turn over value at Capital raised for listed companies.

Pagdating sa listed companies, ang PSE ay may bilang na 269, ang Bursa Malaysia (BM) ay 901, Singapore Exchange (SE)  ay 753, Stock Exchange of Thailand ((SET) 667, Indonesia Stock Exchange ( ISE) 555, Hanoi Stock Exchange ( HNX) 379 at Ho Chi Minh Exchange (HOSE) 340.  Tayo ang kulelat dito. Nadaig pa tayo ng HNX at HOSE na parehong nasa Vietnam. Tinuruan pa ng PSE ang mga Vietnamese kung paano maglista at magpatupad ng disclosure nuong presidente pa si Atty. Lim ng PSE. Napakagaling magturo ng mga Pilipino kaya nadadaig pa tayo ng mga estudyante nating bansa.  
    
Sa average Daily turn over value, ang PSE ay U$138.2M, BM ay U$530.9M, SE U$864.8M, SET U$1.2B, ISE U$394.6M, at HOSE U$147.05M. Kulelat na naman ang Pilipinas sa kategoryang ito. Daig tayo ng Vietnam. Ang hirap habulin ang Thailand na mahigit isang bilyong dolyares ang average daily turn over value.
    
At para sa huling kategorya: capital raised for listed companies -- PSE U$2.7B, BM U$3.6 B, SE  U$5.3B, ISE U$3.74B at HOSE U$3.35B. Tulad ng naunang mga kategorya, nasa hulihan muli ang Pilipinas.
    
Sinabi ni Atty. Lim na naungusan na tayo nang husto ng mga kapit bansa natin tulad ng Singapore, Malaysia at Thailand dahil sa malawak na reporma na nagpaganda ng kanilang mga sariling ekonomiya na pinakikinabangan ng kanilang mga mamamayan.  Samantala, dagdag ni Lim, palagi natin binabaril sa paa ang ating sarili at hindi tayo makakilos ng may pagkakaisa ng may pagmamahal sa bayan. Dahil dito, hirap tayo makaalis sa pagiging   3rd World  at masaklap pa dito ay baka umusus pa tayo at maging  4th World Country.
    
Marami sa ating mga Pilipino ay mababaw ang kaligayan sa buhay. Mapakitaan mo lang ng kapiranggot na proyekto na maganda sa paningin, mabango na ang politiko. People’s Park daw pero Plaza lang naman ang ipinagawa. Ewan ko ba kung bakit maraming Pilipinong utu-uto at hindi malalim mag-isip. Nagpapaloko sa mga proyektong panlabas lang ang ganda ngunit wala namang malalim na pagbabago na pangmatagalan. Sa  palamuti na nagtatabing sa pangit na katotohanan ay tinatanggap nang walang tanong.  Wala kasing maikumpara dahil hindi naman namamasyal sa ibang lugar.
    
Kung tutuusin hindi naman masama ang performance ng PSE. Malaking halaga ng pera ang umiikot dito at masaya ang mga stock broker sa malaking kumisyon sa mga transaksyon ng bilihan ng shares ng listed corporations. Subalit kapag ikinumpara mo na ang PSE sa tayo ng iba pang mga bursa sa ASEAN, talaga namang napapailing na lang tayo sa lungkot at panghihinayang.  
    
Ang Pangulong Duterte ay masipag at talaga namang puspusan ang pagtratrabaho. Mayroon din siyang mga kalihim sa Gabinete na kapuri-puri ang ginagawa para masabayan ang sipag ng Pangulo. Kaya naman nananatiling mataas ang kanyang trust at approval rating. Mayroon din bukod tangi siyang mga Gabinete.   Nandiyan sina Cabinet Secretary Leoncio Jun Evasco at Kalihim ng Tanggulang Pambansa Delfin Lorenzana. Pero pagdating sa ibang mga kalihim ng Gabinete, wala akong masabing maganda at nagtitimpi tayong bumatikos sa kanila. Ang dami nating problema sa food security, transportasyon at komunikasyon, kalusugan at edukasyon at imprastruktura. Dagdagan nila ang sipag at sigasig, huwag puro palabas at yabang lang. Itigil na ninyo ang pagbuntot sa Pangulo sa lahat ng okasyon. Magtrabaho naman kayo nang maayos!!!!