5,508 guests

Ang pagbalangkas ng Konstitusyon

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 138

Pointguard

BUKAS (Lunes), Enero 15, 2018, magbubukas ang sesyon ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ng Senado.  Sina Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez at Presidente ng Senado Aquilino “Koko” Pimentel ay parehong nagsabi na prayoridad nilang talakayin ang pagbabago ng Saligang Batas o Konstitusyon ng Pilipinas. Kabilang na dito ang isinusulong ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na Pederalismo na binabago ang istruktura ng pamahalaan.

Gusto ni Alvarez na sa loob ng apat na buwan ay matapos na ang debate tungkol sa pagpapalit ng Konstitusyon at isabay na ang plebisito sa nakatakdang barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Mayo 2018. Si Pimentel naman ay tinataya na mas makatotohanan na ganapin ang plebisito sa Mayo 2019 kasabay ng mid-term elections.

Ang plebisito ay isang proseso na tinatanong ang lahat ng botante sa buong Pilipinas kung sang-ayon sila sa mga binagong bahagi ng Konstitusyon.  Oo o Hindi lang ang isusulat sa balota. Ang mga pabor o tutol sa bagong Konstitusyon ay bibigyan ng Comelec ng sapat na panahon upang magkampanya at magpaliwanag kung bakit sila pabor o tutol dito.  Ang huling plebisito ay naganap nuong 1987 upang maaprubahan ng taong- bayan ang 1987 Konstitusyon na isinulat ng mga Constitutional Commissioner na hinirang ni Pangulo Corazon C. Aquino.

May tatlong paraan ng pag-amyenda ng Saligang Batas (Article XVII, Sections 1-4, 1987 Constitution). Una, sa pamamagitan ng Constitutional Convention. Maghahalal ang taong-bayan ng mga delegado na ang tangi at pangunahing tungkulin ay bumalangkas ng isang bagong Saligang Batas mula preamble hanggang transitory provisions. Sa kasaysayan ng Pilipinas, nagkaroon tayo ng tatlong kumbensyon: Malolos Congress nu’ng panahon ni Emilio Aguinaldo, 1935 Convention na pinamunuan ni Claro M. Recto sa panahon pa ng mga Amerikano at wala pang kasarinlan ang bansa sa Estados Unidos, at 1971 Convention kung saan ang aking tatay ay naging delegado ng ikalawang distrito ng Lalawigan ng Bulakan (ang tatlo pang delegado mula sa ikalawang distrito ay sina Manolo Cruz, Tintoy Hermoso at Cesar Serapio), na siyang nagbalangkas ng 1973 Constitution. Pinamunuan ang kumbensyon ni Carlos P. Garcia, dating Pangulo ng Pilipinas.  Hindi nagtagal, pumanaw si Garcia at humalili sa kanya si Diosdado P. Macapagal, isa rin dating Pangulo ng Pilipinas.  Puwede na rin nating isama sa listahan bilang ika-apat na kumbensyon ang 1986 Constitutional Commission. Kaya nga lamang, ang mga delegado ay hinirang, hindi hinalal ng taong bayan.

Ang pangalawang paraan ay sa pamamagitan ng Constituent Assembly. Ayon sa 1987 Constitution, ang kasalukuyang Kapulungan ng mga Kinatawan o Kongreso at Senado ay maaaring magsulong ng pagbabago ng Konstitusyon. Ang Chairman ng Committee on Appropriations na si Rep. Karlo Nograles ang nagsabi na ito ang pinakamabilis at pinakamatipid na proseso dahil kapag Constitutional Convention, uubos ng P7 bilyon sa halalan ng mga delegado at pagpapasuweldo sa kanila at sa mga kawani ng kumbensyon. At iyan ay kung matatapos sa loob ng isang taon ang pagsulat ng bagong Konstitusyon. Lalaki pa ang gastos batay sa tagal ng panahong gugugulin ng kumbensyon bago matapos ang kanilang trabaho.
 
Ang ikatlong paraan ay sa pamamagitan ng People’s Initiative. Ang taong-bayan na mismo ang magsusulong ng isang petisyon na laman ang pagbabago sa Konstitusyon at ito ay kailangang may lagda ng 12% ng kabuuang bilang ng lahat ng rehistradong botante sa buong bansa at hindi bababa sa 3% ng kabuuang rehistradong botante ng kada distrito sa buong bansa.
 
Batay sa mga sinasabi ng mga nasa poder na politiko, ang mga pagbabago sa ating 1987 Constitution ay malawakan at hindi ito simple at madaling maunawaan. Dahil dito, ako ay naniniwala na mas mainam kung magdaos ng halalan ng mga delegado para maging bahagi ng kumbensyon. Maaaring magastos ito ngunit napakahalaga at maselan ang Saligang Batas ng isang bansa.  Ito ang pundasyon ng ating mga batas at gabay ng pamahalaan sa paggamit ng kapangyarihan at sandigan ng mga karapatan ng taong-bayan sa pang- aabuso ng pamahalaan.  Walang batas na maaaring sumalungat dito sapagkat ito ang katipunan ng mga pananaw, pinaninindigan at pinapangarap ng lahat ng Pilipino, mahirap man o mayaman, lalaki o babae, bata o matanda.
    
Mabibinbin ang iba pang mga mahahalagang panukalang batas sa Kongreso at Senado kung sila ay magiging isang Constituent Assembly. At isa pa , hindi sila ibinoto ng taong bayan para maglunsad ng isang malawakan pagbabago sa ating Konstitusyon.  At kung kayo ay nagsuri ng TRAIN o Tax Reform Acceleration and Inclusion ACT o RA 10963 na nagkabisa nuong Enero 1,2018, kayo ay nagdududa sa mga senador at kongresista kung nasaan ang kanilang mga puso at utak. Paano nga ba naman dahil sa TRAIN , ang isang Toyota Vios na pangarap bilhin ng mga nais nang umalis sa pila sa MRT3 ay mas mahal ngayon ng P40 libo samantalang ang Toyota LandCruiser na kadalasang sakay ay mayayaman at may kapangyarihan , ay mas mura ng P500 libo o kalahating milyon ang ibinaba ng presyo. Progressive system of taxation ang utos sa 1987 Konstitusyon. Ibig sabihin nito, mas malaki ang kakayahan magbayad ng buwis dahil malaki ang kita, mas malaki dapat ang babayaran buwis. Pagkatapos sila ang gagawa ng bagong Konstitusyon?