6,817

Ang napapanahong Mental Health Law

  • Written by Cong. RICKY SANDOVAL
  • Published in Opinion
  • Read: 424

Ang pagpapatiwakal ng designer na si Kate Spade at batikang chef na si Anthony Bourdain ang ilan lang sa mga balitang gumimbal sa buong mundo.

Itinuturong dahilan ng kanilang suicides ang depression.

Kung maaalala, nag-suicide din kamakailan ang rockstar at lead singer ng bandang Linkin, Park na si Chester Bennington.

Marami rin ang nagulat at nalungkot sa balitang ito dahil may video pa ang bokalista ilang araw bago ang pagpapakamatay niya kung saan makikitang namamasyal pa siya at tumatawa kasama ang pamilya at kaibigan.

Ayon din sa mga report, depression din ang puno’t dulo ng lahat. Isang seryosong karamdaman ang depression.

Silent but deadly. Ayon nga sa World Health Organization, noong 2012 ay mayroong 2,558 na kaso ng suicides sa Pilipinas.

Lumalabas na pitong Pilipino ang kumikitil sa sarili nilang buhay araw-araw. Ayon din sa pag-aaral isa sa bawat limang Pilipino ang may dinaramdam na mental disorder.

Dahil sa sitwasyon na ito kaya isinulong namin sa Kongreso ang House Bill 6452 o ang Comprehensive Mental Health Act mula noong 2016. Matapos ang halos dalawang taong diskusyon, ganap na itong batas dahil nilagdaan na ito ni President Rodrigo Duterte bilang Republic Act 11036. Bukod sa pagkilala sa tahimik na karamdaman dahil inaapektuhan lang nito ang pag-iisip ng tao, ginagarantiya ng RA 11036 na may mental health services ang lahat ng level ng pamahalaan maging mga barangay. Layunin din ng bagong batas na ito na palakasin ang psychiatric, psychosocial, at neurologic services ng regional, provincial, at tertiary hospitals.

Daragdagan din ang budget ng mental facilities sa buong bansa para mapaigting ang serbisyong inihahatid sa mga may karamdaman.

Ang pinakamahalagang probisyon ng batas ay ang pagpromote ng mental health education sa mga paaralan at mga opisina.

May mga pag-aaral kasi na iyong mga taong akala natin ay matatag sa gitna ng mga problema ay sila rin palang walang outlet para mailabas ang kanilang pasanin.

Kaya sa usapin ng mental health awareness, malaki ang tungkulin ng mga kapamilya, kaibigan, kaklase, at mga katrabaho para maagapan ang paglala nang tahimik lang na dinadala ng isang tao. Sana lang sa pagbalangkas ng Implementing Rules and Regulations ng batas na ito ay isama sa coverage ng PhilHealth libreng psychiatric consultations at gamut para sa may mga karamdaman.

Sa kasalukuyan kasi, sinasagot lang ng PhilHealth ang hospitalization expenses ng pasyente dahil sa acute attacks sanhi ng mental at behavioral disorders sa package rate na P7,800.

Maging sa mental health ay prevention is better than cure.

Kaya sana ay Makita ng PhilHealth at Department of Health ang kahalagahan ng libreng konsultasyon tungkol dito.

Sa pamamagitan ng RA 11036, masasabi nating help is coming.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)