Ang kakapal ng mukha!

October 31, 2018

KULANG na nga tayo ng perang pang-rehabilitate sa mga naunang sinalanta ng kalamidad, heto naman ngayon ang pinsalang idinulot ng Bagyong Rosita sa Luzon, lalo na sa Region 2.

Maraming bahay at negosyo, lalo na sa Isabela ang naapektuhan dahil sa lakas ng Bagyong Rosita.

Hindi na nga makakain ng tatlong beses ang ibang kababayan natin sa Norte dahil sa sobrang taas ng mga bilihin, inabot pa ng trahedya.

Ang masakit, walang ibang pagkukunan ng pondo ang gobyerno kundi ang naghihirap na taumbayan.

Hindi naman puwedeng umutang na lang tayo ng umutang sa labas ng bansa.

Lubog na tayo sa foreign debt.

Isusumpa na tayo ng mga susunod na henerasyon.

Mabuti sana kung ang mayayamang kakandidato sa darating na halalan ay kusang magbibigay ng pera sa Department of Social Welfare and Development bilang tulong sa mga sinalanta ng Bagyong Rosita.

Maraming kandidato ang may kakayanang tumulong sa mga biktima ng kalamidad sa bansa.
Meron diyang tumutulong ng palihim sa mga biktima.

Pero sa hindi lahat ng biktima, kundi ang mga taong nasa voters’ list lang.

Ang kapalit ng tulong ay ang kanilang mga boto sa May 13, 2019 election.

Ang kakapal naman ng mga mukha!

* * *

Pati mga kritiko ay naniniwalang naging epektibo ang mga programa at pagbabago na inilatag ni dating Customs Commissioner Isidro Lapeña para mapalaki ang  koleksyon ng buwis at taripa sa Aduana.

Nakita naman  ito sa walong buwang sunud-sunod na magandang collection performance ng Bureau of Customs (BoC).

Mula Pebrero hanggang Setyembre, hindi lang naabot kundi nalampasan pa ng BoC ang buwanang assigned tax take ng ahensya.

Sa totoo lang, inaasahang tuluy-tuloy hanggang Disyembre ang patuloy na pagtaas ng koleksyon.

Kaya naman walang kaduda-dudang malalampasan ng BoC ang 2018 collection target.

Kahit saang anggulo mo tingnan, talaga namang maayos ang pamumuno ni Lapeña.

Hindi man siya santo, naging tapat naman si Lapeña sa kanyang tungkulin sa Aduana.

Ang masakit nga lang, napalusutan siya ng mga walang kaluluwang nagpaparating ng droga.

Hindi na inisip ng mga hayup na ‘yan na may mga anak din silang pwedeng maging biktima ng pagkalulong sa iligal na droga.

Sa ngayon, umaasa naman ang marami na gagamitin ni bagong BoC Commissioner Rey “Jagger” Guerrero ang ibang magandang ginawang pagbabago ni Lapeña

Ang “formula” na nagpaangat sa koleksyon ng BoC, nagpatino sa mga naliligaw ng landas na kawani at kinatakutan ng mga ismagler.

Hindi man nawala ang ismagling, naging pahirapan ang paglusot ng mga kontrabando na ikinagalit ng mga taong nakikinabang sa iligal na negosyo.

Kitang-kita naman ito ni Pangulong Rody Duterte.

Kaya nga kaysa sipain sa gobyerno, binigyan pa ng promosyon si  Lapeña.

Dapat kilalanin natin ang mga “accomplishment” ni Lapeña sa Aduana.

Siya lang ang tanging BoC chief na nagsabing kayang abutin ng BoC ang collection target.

Alam naman ng publiko na talagang tinataasan ng gobyerno ang taunang assigned tax take ng BoC at Bureau of Internal Revenue.

Kaya nga pagkaupo ni Lapeña sa BoC ay marami ang nagulat nang sabihin nitong kayang-kaya niyang lampasan ang target collection.

Paanong hindi sila magugulat eh, taliwas ito sa sinasabi ng mga dating Customs chief.

Ang laging reklamo nila ay: “it’s unrealistic and unfair.”

Pero naniniwala tayo na hindi isasantabi ni Commissioner Guerrero ang magagandang nagawa ni Lapeña sa ahensiya.

Kagaya ni Lapeña, hindi sisirain ni Guerrero ang tiwala ni Pangulong Duterte.

Hataw na General Guerrero!

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)