Ang Bagyo ng Inflation at ni Ompong

September 16, 2018

ANG bagyong Ompong ay dumating hatid ang malakas na hangin at nakalulunod na ulan.  Tiyak na may mga pananim na malapit ng anihin ang  masasalanta  at may mga buhay na mawawala.  Ngunit ang masungit na panahon ay aalis at aalis sa ating kapuluan. Pero ang bagyo ng inflation ay nanatili sa ating bansa.

May isinumite na listahan ng mga dapat gawin para maibsan ang paghihirap ng mga maralita na hinahambalos ng mataas na presyo ng bigas at pagkain ng mga Economic managers sa Pangulong Duterte.  Mula sa pagtatanim ng sili sa bakuran at pagkain ng bigas na may bukbok na mungkahi ng Kalihim ng Agrikultura , may panukala na mag angkat ng mga produktong langis, bigas at pagkain para maiayos ang problema ng supply ng mga ito at ng bumaba ang presyo ng mga ito.

Sa aking pakiwari, mga panandaliang solusyon lang ang mga ito. Maaaring makatulong ang mga ito ngunit mananatili ang problema. Mas kailangan natin ang pangmatagalang solusyon tulad ng panibagong pagtingin sa agrikultura para magkaroon tayo ng food security, agresibong pagpapaunlad ng mga alternatibong enerhiya na puedeng pumalit sa langis.  Tiyak ko marami pang may maiinam na mungkahi at ideya ang ating mga eksperto.  Ang mahalaga ay mapakinggan at masuri ang mga ito sa lalong madaling panahon at mabuo ang isang 20 Year Development plan na makakapaglatag ng mga hakbang na dapat gawin para makahabol tayo sa kalakaran sa Association of South-East Asian Nations.

Habang sinusulat ko ang pitak na ito, nasa Signal No. 3 na ang mga lalawigan sa Region 1 and 2 na daraanan ng Super Typhoon Ompong na tinutukoy na kasing lakas ng Bagyong Yolanda na nanalanta sa Leyte nuong 2015. Ang Pamahalaan nasyonal at lokal ay abala sa paghahanda ng mga gamit, relief goods at iba pang mga hakbang upang mabilis na maka-sasaklolo sa mga Kababayan natin.  Salamat sa makabagong teknolohiya na mayroon ang PAGASA na tumutuntun sa mga pagbabago ng panahon para makaiwas sa malaking panganib at mabawasan ang bilang ng mga buhay at ari-arian na mawawasak ng malakas na bagyo.

Naalala ko pa tuloy ang isang Korean telenovela tungkol sa Haring Sejeong  ng Korea na kinikilalang pinakamahusay na naging hari ng Joseon.  Siya ang nag-utos paunlarin ang wika ng Korea at kung papaano ito isulat. Ayaw niya na kopyahin lang ang wika at baybay ng mga Intsik at Hapon. Gayun din naman, pagkatapos ng isang malakas na bagyo na kumitil ng maraming buhay at sumira ng mga pananim at imprastruktura ng Korea sa tabing dagat. Minabuti ng haring ito na magpadala ng mga tiktik sa Tsina para kopyahin ang mga instrumento sa pagbabasa ng mga bituin at panahon para maaga pa lang ay makapaghanda sa paparating na delubyo.

Para sa mga bata sa panahong ito, karamihan sa kanila ay  hindi interesado sa sangay ng agham na astronomiya at metereological sciences. Ang mga nagtatapos ng kursong ito ang  kailangan ng PAGASA para mabasa ang mga weather disturbances na namumuo sa Dagat Pacifico.  Siyempre ang gusto lang marinig ng mga bata sa PAGASA ay kung anong signal number na ang nakataas sa kanilang lugar at kung may pasok ang mga paaralan kinabukasan. Tulad ni Heneral Goyo, napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga nagtratrabaho sa PAGASA at hindi nila alintana ang mababang suweldo at kawalan ng popularidad sa karerang ito. Sana maraming magulang at mga bata ang magising at magka-interes na kumuha ng kursong ito. Hindi kayo kailangan mamatay sa Tirad Pass para itanghal na bagong bayani ng ating bansa.