‘Amendment’ sa ‘Bank Secrecy Law’

October 30, 2018

“FOLLOW the money.”

Ito ang simple subalit “epektibong payo” na ibinigay sa kanila ng ‘mystery source’ sa Federal Bureau of Investigation (FBI) kina Washington Post reporters, Carl Bernstein at Bob Woodward, hinggil sa eskandalo ng ‘Watergate’ na “nagpabagsak” sa administrasyon ni US Pres. Richard Nixon noong dekada ’70.

At sa patuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard ‘You-Know-Me’ Gordon hinggil sa mga “nakalusot” na shabu sa Manila International Container Port (MICP) noong Hulyo na nagkakahalaga ng higit P6.8 bilyon (P11 bilyon na ngayon, ayon pa kay PDEA director general, Aaron Aquino), marahil ganito ring “panuntunan” sa imbestigasyon ang sinusunod nitong boss nina kasamang Ely Maraon at Lee Ann Pattugalan.

‘Yun nga lang, dear readers, lumalabas na nagiging “balakid” sa pagbusisi ni Sen. Dick ang ‘Bank Secrecy Law’ (RA 1405).

Sa naging pagdinig ng SBRC kahapon, hindi kasi naitago ni Sen. Dick ang kanyang “pagkayamot,” agh, ang kanyang “pagkainis,” dito sa Banco de Oro (BDO) na umano’y “tinabla” ang kanyang “pakiusap” na tulungan ang Senado sa imbestigasyon nito sa nasabing isyu.

Dangan kasi, “sinusundan” pala ni Sen. Dick ang ‘money trail’ ng mga salaping ginastos ng sindikato ng droga na nagpasok ng shabu upang makapag-renta sa isang ‘warehouse’ sa General Mariano Alvarez, Cavite, kung saan naman dinala ang mga ‘magnetic scrap lifter’ na nadiskubreng  abandonado noong Agosto 9 at ang “nakatago” ditong mga shabu ay “naitakas” na ng nasabing sindikato.

At lumalabas sa ginawang “paghimay” ni Sen. Dick sa detalye ng bilyones na krimeng ito, BDO ang pinaglagakan ng pera ng sindikato.

‘Yun nga lang, dahil sa RA 1405, ‘no bearing’ ang ‘letter-request’ ni Sen. Dick dahil nga ayon sa batas -- na Kongreso at Senado ang may akda -- ‘No way Jose, err, Dick, ang naging tugon, maliban na lang kung MAY COURT ORDER, yehey, ayy, huhuhu!

At dahil nasopla, ayy, “nablangka” ng BDO, sinabi ni Sen. Dick na ‘as soon as possible,’ maghahain siya ng ‘amendment’ sa RA 1405 upang “utusan” ang mga bangko na “ibigay” sa SBRC ang detalye ng mga deposito sa mga imbestigasyon na may kinalaman sa transaksyon ng iligal na droga.

Sa ganang atin, mainam at napapanahon ang panukalang ito ni Sen. Dick, partikular pa nga na continuing uphill battle’ ang kampanya ng pamahalaan laban sa salot ng iligal na droga.

‘Yun nga lang, “sing-init” din kaya ng damdamin ni Sen. Dick ang mga kasamahan niya sa Kongreso na ang ilan ay pinapaniwalaang sangkot din sa iligal na droga bilang mga “user” at “illegal drug syndicate protector?”

At ano kaya ang opinyon dito ng AMLAC (Anti-Money Laundering Council) na alam nating “seloso” sa kanilang kapangyarihan na halungkatin ang mga deposito sa mga bangko sa isyu naman ng ‘money laundering?’

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

* * *

Binabasa ninyo ito, dear readers, pormal nang “nagpalit” ng puwesto sina outgoing customs commissioner, Isidro Lapeña at incoming customs commissioner, Rey Leonardo ‘Jagger’ Guererro. Itinakda ang ‘turnover ceremony’ bago mag-alas nuwebe (9 am) ngayong araw.

“Pupunta” na sa TESDA si Comm. Sid bilang bagong director general nito (Cabinet rank) at “iiwanan” naman ni Comm. Jagger, bilang ‘administrator,’ ang MARINA (Maritime Industry Authority).

Ayon sa ilang mga ‘suspended officials’ ng Aduana na kahuntahan natin kahapon sa Senado, agarang magkakaroon ng ‘command conference’ si Comm. Jagger sa kanila upang alamin (siyempre) ang “pasikot-sikot” ng operasyon nito.

At marahil, Pareng Vic Reyes, ngayong araw “magkakaalaman” na rin kung ‘who is in and who is out’ sa hanay ng mga “beterano” sa Aduana sa bagong ‘Guerrero administration,’ bagaman nga kung si PDU30 ang tatanungin, ‘everybody is out,’ ahahay!

* * *

Sa naging pagdinig pa rin kahapon ng SBRC, isa sa mga opisyal ng PNP na nakita at saglit na makausap natin ay itong si Col. Leonardo Suan.

Una nating nakilala si Col. Suan (police major pa lang siya noon) sa termino ni Pang. Erap (dakong 1999), kung saan isa rin siya sa mga kilalang “magaling” na ‘anti-drug operatives’ sa grupo ni Sen. Ping Lacson.

Sa inilabas na ‘drug matrix’ ni Pang. Duterte kamakailan kung saan tinukoy ang ‘Acierto-Fajardo-Guban Drug Syndicate’ na siya umanong nasa likod ng mga kontrobersiyal na ‘magnetic scrap lifters,’ kasama tayo sa mga nagulat na kasama ang pangalan ni Col. Sua, sa limang opisyal ng PNP na inilabas ng ating mahal na pangulo.

Kahapon naman ay nagtaka tayo dahil in ‘full police uniform’ si Col. Suan, taliwas sa ‘intel report/drug matrix’ ni PDU30 na “dismiss” na siya sa PNP eh, hindi naman pala!

Ani Col. Suan, kahit siya ay nagtataka kung bakit nakasama ang pangalan niya sa grupo nitong sina Acierto samantalang aniya pa, “kahit minsan,” hindi pa sila nagkasama sa kahit anong police operation nitong si Acierto.

Kumbaga, bagaman, magkakilala sila nitong si Acierto dahil pareho silang “operatiba” ng PNP, hindi sila magkaibigan.

Kaya ang “pakiusap” niya kay PDU30, puwede raw ba na ‘ipa-review’ ng ating mahal na pangulo ang nasabing intel report na pinagbasehan naman ng nasabing drug matrix?

Ang kanya pang “hinala ,” dear readers? “Naresbakan” siya ng isang opisyal na nakulong (subalit nakalaya rin) sa kasong iligal na droga, aguy!

Hmm. Hindi naman “hinuhukay,” pero, patuloy na “lumalalim” ang kontrobersiyang ito, hindi ba, dear readers? Abangan ulit!