All-out war vs basura sa Maynila

October 26, 2018

HABANG isinusulat ko ito, mahigit 300 na ang nadadakip sa Maynila magmula nang ilunsad ni Mayor Erap ang giyera laban sa basura.

Nitong nakaraang Martes, 218 katao ang iniharap ng tropa ni MPD Chief Rolando Anduyan kay Mayor Erap.

Sila iyong mga naaktuhang walang habas na nagtatapon ng basura kung saan-saan. At ginagawa nila ito gabi-gabi kaya nagpasya si Mayor na bumuo ng task force para madakip ang mga salaula.

Kailan lang, binigyan ni Erap ng ultimatum ang IPM na garbage contractor sa lungsod. Magmula nang warningan ng alkalde na kakanselahin ang kontrata, nagkaroon naman ng pagbabago sa kilos ng IPM.

Halos lahat ng kasulok-sulukan ng Maynila, pati na iyong palagi nating nadadaanan sa Road 10 (North Harbor) ay pinasuyod ni Mayor dahil maraming tambak ng basura.

Tanong, sa kabila ng matinding pagkilos ng IPM para hakutin ang mga basura, bakit marami pa rin ang nagrereklamo?

Ang sagot, iyong mga nadakip na mahigit tatlong daang katao ang responsable sa mga kalat. Ang ibang nadakip, sila mismo ang may dalang kariton o pedicab na nangungulekta ng basura sa mga bahay-bahay na pinababayaran nila. Tapos, iyong hinakot nila, kung saan-saan na lang itatapon.

Bukod sa ganitong istilo, marami rin sa mga iniharap kay Mayor na nadakip ay talagang way of living na nila ang pagkakalat. Sa halip na hintayin ang pagdaan ng garbage truck, itinatambak nila sa mga kanto o sa labas ng bahay nila ang mga basura. Iyong iba, nagtatapon na lang kung saan-saan kaya kahit anong gawin ng IPM dahil sa galit ni Mayor Erap, hindi pa rin malutas ang problema.

Kaya nga itong task force malinis na kapaligiran na ang pinakilos ni Mayor. Parang mga James Bond ang mga pulis ng MPD na nagbabantay sa mga suluk-sulok ng lungsod para matiyempuhan ang mga makakapal ang mukhang walang habas na nagtatapon ng basura.

Sa ngayon, pinatawad ni Erap ang mga nadakip pero tiniyak niyang ipapatupad ang batas kapag umulit ang mga ito. Sinabi ni Erap na batay sa City Ordinance, aabot sa P3,000 ang multa at pagkakulong ng 30 days ang parusa sa mga lalabag.

Nanawagan tayo sa mga taga-Maynila na makipagtulungan sa giyera na inilunsad ni Erap hindi lang para sa malinis na lugar bagkus ay maging ligtas din sa sakit ang komunidad.

Seryoso si Mayor Erap na linisin ang lungsod. Huwag nating kalilimutan na isa sa mga Exhibit A ni Erap, ang San Juan lamang ang unang lugar na pinakamalinis sa Metro Manila noong siya pa ang alkalde doon.

Ibig sabihin, nasa sistema talaga ni Mayor ang maayos na lungsod kaya iyong matitigas ang ulo, magbagong buhay na kayo kung ayaw nyong makulong!

allanpunglo@gmail.com