7,412 guests

Abaya vs Tugade

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 927

NAGKAROON tayo ng pagkakataon na makaikot mula sa Trinoma, Quezon City hanggang sa San Jose del Monte, Bulacan.

Tama kayo, binaybay ko ang kahabaan ng mismong lugar na  pinagtatayuan ng MRT 7 na limang taong natigil ang konstruksiyon matapos ang pagtunganga ng mag-among Noynoy at former DoTr Secretary Joseph Emilio Abaya.
    
Mula sa mag-among batugan, nakita natin ang malaking development ng MRT 7 dahil full swing na pala ang construction ng pinakabagong mass transportation na  makakatulong sa paglutas ng traffic congestion sa Metro Manila. At ang tuluy-tuloy na pagtatayo ng mga poste ang dahilan ng pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan sa bandang Fairview na talaga namang bottleneck kahit wala pa ang construction. Pero sabi nga, no pain, no gain.
    
Ang dating common station na nilumot sa katagalan dahil lamang sa isyu ng agawan ng mga kapitalista ay mas mabilis naresolba at itatayo na sa lalong madaling panahon sa pagitan ng SM at Trinoma. Salamat sa management style ni DoTr Secretary Art Tugade na siya mismong hands on sa lahat ng mga pagawaing bayan sa ilalim ng Build Build Build program ng Duterte administration.
    
Hindi biro ang obligasyong nakapatong sa balikat ni Tugade kaya hindi tayo magtataka kung bakit kahit saang sulok ng groundbreaking ng mga big ticket project ay naroon siya.
    
Nakita natin si Tugade sa  opening ng   Skyway airport connectors, sa  NLEX-SLEX connectors, sa groundbreaking ng Caloocan-Clark train, BGC-Ortigas bridge connector pati na sa pagbubukas ng mga bagong airport. Maging ang personal na pamamahala sa mga P2P bus hanggang sa pagsasaayos ng mga terminal ng bus, pagwawalis sa mga illegal terminal at pagmu-monitor sa operasyon ng MRT 3 ay nakatutok si Tugade.
    
Malaki ang kaibahan nina Tugade at Abaya kung management din lang ng DoTr ang pag-uusapan. Si Abaya, mas maraming bitbit na media at may sariling taga-payong kapag may site inspections pero ang ending, wala lang, puro propaganda kaya nga naging dambuhala ang problema sa trapiko at kawalan ng mga infra para sa ating mga transportasyon.
    
Si Tugade naman, mas madalas, walang bitbit na media kapag may project inspections pero nararamdaman ang resulta.
    
Anim na taon si Abaya pero walang nagawa kung hindi pinsalain ang MRT, ang driver’s license, ang car stickers at car plates. Lahat ng ’yan ay nakadagan ngayon sa obligasyon ni Tugade kaya halos hindi na nakapagpapahinga ang kalihim.
    
Pero mukhang hindi ito nakikita ng mga kongresista kaya nanggugulo.
    
Ang problema sa ibang mga mambabatas, gusto ’ata kasama rin sila sa site inspection at parang pinagbibitbit pa ng DTR o daily time record si Tugade para lang maniwalang hands-on management ang kanyang ginagawa.
    
Ang totoo, dapat malaman ni Pangulong Duterte na karamihan sa mga na-delay na infra projects ay hindi lang dahil sa TRO ng mga korte.
    
Kasalanan din madalas ng mga kongresista na mahilig sa grandstanding at palaging humaharang sa mga project kaya nababalam ang mga proyekto.
    
Sa halip na pinatatawag n’yo ang mga opisyal ng gobyerno, lalo na ang DoTr chief, mas makabubuting gawin n’yo na lamang ang mga legislative work para tuluy-tuloy ang proyekto.
    
Kung wala lang sanang sagabal na pamumulitika at hindi haharang ang mga kulang sa pansin na mga kongresista, mas mabilis na maaayos ng DoTr ang ating mga mass transportation.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.