‘1-Assessment’ sa PoM, MICP, NAIA sa Enero na!

October 14, 2018

PANSAMANTALANG itinigil ng Bureau of Customs (BoC) ang implementasyon ng “1-Assessment” tax collection system.

Tinatawag na “enhanced goods verification system,” ang bagong paraan ng pangongolekta ng buwis ay dapat sanang magsimula ngayong araw (Oktubre 15).

Pero ayon kay BoC  Chief Isidro S. Lapeña ang “full implementation” ng bagong sistema ay maisasakatuparan sa Enero 2019.

Ipinagpaliban niya sa tatlong major ports (PoM, MICP, NAIA) ang implementasyon ng “1-Assessment” sa kahilingan ng mga waterfront stakeholder.

Kamakailan  ay sumulat ang Chamber of Customs Brokers, Inc (CCBI) kay Lapeña.

Sa sulat ay nakiusap ang grupo na itigil muna ang implementasyon ng bagong tax collection system.

Ang bagong sistema ay kasaluluyang “pilot tested” sa tatlong provincial collection districts.

Ito ang Port of Batangas, Port of Subic at Port of Clark.

Ang problema lang, kayanin kaya ng outports ang mga entry na manggagaling sa tatlong major ports kapag sinimulan na ang implementasyon?

Ang “1-Assessment System” ay naglalayong matigil ang korapsyon at pabilisin ang transakyon sa Aduana.

Inaasahan din na wawakasan ng “1-Assessment” ang “tara culture” sa mga pantalan.

Sa kasalukuyan ay napipilitan ang ilang importador at broker na magbigay ng grease money sa mga taga-BoC para mapabilis ang paglabas ng kanilang mga kargamento.

Dahil “web-based” ang bagong tax collection system, bawas ang physical contact ng mga stakeholder at BoC personnel.

Sa plano, ang tatlong major ports ang huling iko-konekta sa bagong sistema.

Ito ang Port of Manila, Manila International Container Port at BoC-NAIA.

Maganda ang plano kung totoong matitigil ang korapsyon at palusutan.

Ang mahirap lang, baka naman magaya lang sa nakaraang administrasyon na ginamit ang “Green Lane” para mailabas ng libre ang mga kontrabando?

Abangan!

* * *

Malaki ang na-iaambag ng Bureau of Customs (BoC) sa kampanya laban sa illegal drugs.

Noon ngang nakaraang linggo ay nagturn-over ang  BoC sa PDEA ng mga kumpiskadong cocaine, shabu at marijuana sa NAIA.

Nagkakahalaga ng mahigit P14.6 milyon, ang mga kontrabando ay nakapaloob sa tatlong parcel na galing sa labas ng bansa.

Ang unang parcel, na naglalaman ng cocaine, ay galing ng Sao Paolo, Brazil.

Ang pangalawang parcel ay naglalaman ng shabu at galing ng United Kingdom.

Naglalaman naman ng marijuana ang pangatlong pakete. Galing ito ng Estados Unidos.

Kahit bantay sarado ang mga paliparan, nagpipilit pa ring magpalusot ng kontrabando ang ilang matitigas ang ulo.

Nagbabakasakali sila dahil sa laki ng kinikita.
Pero kapag hindi sila tumigil, siguradong may kalalagyan sila.

Nakatutok ang BoC sa kampanya laban sa ismagling.

* * *

Marami ang sumusubok na pumasok sa larangan ng pulitika.

Hindi na ito nakapagtataka dahil ang mga Pinoy ay kilalang “election-crazy people.”

Sa katunayan may nagpapatayan na mga magkakamag-anak, magkakaibigan at magkakapitbahay dahil lang sa pulitika.

Ang masakit, pagkatapos ng eleksyon, beso-beso na ang mga politiko pero ang mga taga-sunod ay tuloy ang pasaringan.

May pag-asa pa bang magbago ang kalakaran ng pulitika sa ating bansa?

Isa pang malaking problema ay ang bilihan ng boto.

Sa tingin ng marami ay mahirap mawala ang pamimili ng boto tuwing may eleksyon.

Nasanay na ang tao sa “vote-buying” kahit alam nilang walang dulot na buti ang pagbebenta ng boto.

Ang hindi nila alam, sarili nila ang kanilang niloloko. Pagkatapos na maupo sa puwesto ang mga namili ng boto sa halagang P500 o P1,000 ay tatlo o anim na taon silang lolokohin ng mga mandurugas na politiko.
Iyan ang nagdudumilat na katotohanan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #09214765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagayl lang ang buong pangalan at tirahan.)