War on Critics at Boses Ng Masa

October 05, 2018

Sa isang malusog na demokrasya, mahalaga ang ‘dissent’ o pagpuna bilang instrumento ng ‘system of check and balance’ sa isang pamahalaan. Kailangang manatiling accountable ang mga lider ng gobyerno upang hindi nila abusuhin ang kanilang kapangyarihan.

Subalit ngayon, hindi lang ‘war on drugs’ ang inilunsad ng kasalukuyang pamahalaan kundi maging ‘war on critics.’ Nakatuon ngayon ang publiko sa mga kasong isinasampa kay Senador Antonio Trillanes III, ang pinakamatinding kritiko ng Pangulo. Bago pa nito, naging sikat ang ‘void ab initio’ sa pagwawalang-saysay sa appointment ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa Korte Suprema. Higit sa mga pulitikal at personal na bangayan, mas kailangang pagtuunan ng pansin kung paano isinasagawa ang pagdinig sa mga kaso. Nasusunod ba talaga ang ‘rule of law’ o mas pinapatingkad lang nito ang akusasyon na unti-unting winawalis ng pamahalaan ang lahat ng kritiko nito?

Kapansin-pansin na dinadala ng gobyerno ang kampanya laban sa mga kritiko nito sa mga unibersidad na siyang kanlungan ng ilang aktibistang estudyante. Naglabas ang AFP ng listahan ng mga kolehiyo na diumano ay nagkakanlong sa mga supporters ng CPP-NPA para pabagsakin ang rehimeng Duterte. Sa kaso ng Unibersidad ng Pilipinas, hindi na bago ang akusasyon ito dahil una ng ipinakita ng paaralan ang maigting na pagtutol noong panahon ng Martial Law sa ganitong paniniil ng pamahalaan.

Kung babalikan ang ating kasaysayan, hindi maitatanggi ang puwersa ng kabataan at mga non-government organizations (NGOs) sa paglaban sa inaakala nilang hindi makatarungang mga polisiya ng pamahalaan. Hindi makakabuti sa lipunan ang mamamayang nananahimik sa kabila ng tumitinding isyung panlipunan. Kung nais ng pamahalan na maging mas sensitibo sa hinaing ng bayan, hindi dapat na ituring na isang uri ng destabilisasyon ang anumang pagpuna.

Hindi dapat binabalewala ang anumang pagwawasto. Kailangang makinig ang pamahalaan sa mga ‘prophetic voices’ na nais silang itama mula sa kanilang maling gawa. Kung paanong Sa isang tagpo sa Biblia, nagsalita si propeta Elias at Micaya kay Haring Ahab (1 Hari 22). Subalit ayaw pakinggan ng hari si Micaya dahil walang sinabing maganda ang propetang ito para sa kaniya. Hindi kagulat-gulat dahil si Ahab ang isa sa pinakamasamang naging hari ng Israel kasama ang kaniyang asawang si Reyna Jezebel. At dahil hindi nakinig ang hari sa propeta, sinuong pa rin niya ang pakikipaglaban, at pumanaw siya sa pinasok na digmaan.

Hindi makakatulong sa ‘good governance’ o mabuting pamamahala kung pakikinggan lang ng pamahalaan ang nais nilang marinig. Kapag nawala ang espasyo sa lipunan na punahin ang gobyerno at mga lider nito, hindi na masusunod ang tunay na layunin ng Diyos para sa pamahalaan —ang paigtingin ang kabutihan at wakasan ang kasamaan (Roma 13:3-4, 1 Pedro 2:14). Huwag nating hintaying ang halimaw o “The Beast” na tinutukoy ng Bibliya sa Pahayag 13 ang sumiil sa karapatan ng mamamayan at pasunurin sa kaniyang masamang balakin.

Bahagi ng demokrasya ang ‘dissent’ at hindi dapat sawatahin. Sa pagbabanggaan ng posisyon, doon mas nasasala at napapabuti ang mga ideya. Marahil, ang mas kailangan natin tutukan ay kung paano tayo mag-uusap ukol sa mga isyu sa isang paraang mapayapa, may pag-ibig at may paggalang sa isa’t isa.  Magsisimula iyan kung kaya nating tanggapin ang katotohanang “we can agree to disagree” sa maraming bagay para sa ikabubuti ng sambayanan.