Nuisance sa Senado

Nagsara na ang deadline ng pasahan ng certificate of candidacy (CoC) para sa mga tatakbong Senador sa halalan sa susunod na taon, 2019. Tulad ng dati, naglabasan muli ang mga nakakatuwa at minsan ay nakakatawa na mga ordinaryong Pilipino na nagtatankang sumuong sa politika. Tinatagurian silang nakahanay sa pagiging mga ‘nuisance’ candidates.

May nagpakilalang siya si Hesus at siyang ‘mesiyas’ na kailangan ng Pilipinas. Mayroong isa na ang plataporma ay dikit na dikit sa sikmura ng mga aburidong mga ina –nais niya daw gumawa ng batas na magbabawal sa mga kabataan na patuloy na ubusin ang kanilang oras sa paglalaro ng DOTA at Mobile Legends. May isa naman na pagkatapos i-fill up ang form at ipasa ay dagli itong pinunit na mala-cedula noong panahon ni Bonidacio upang ipahayag ang statement na hindi naman talaga kailangang maging pulitiko para maglingkod sa bayan.  Sila ang mga nagdadagdag ng kulay sa paumpisa ng isa sa mala-pyestang season para sa mga Pilipino –ang pambansang halalan.

Pero sa isang banda, may isang hanay pa ng tila ba ‘nuisance’ sa pagbabagong anyo ng politika sa bansa. Muling nagsulputan ang mga pangalan at mukha na masasabing ‘mainstay’ na sa Senado –Roxas, Marcos, Villar, Cayetano, at iba pa. Kung ‘career’ ang pagiging isang senador, masasabing sila na ang may professional track record na umupo sa pwesto ‘for life.’ Isang matingkad na halimbawa ang muling pagtakbo ng 94 years old na senador –Juan Ponce Enrile. Pero idagdag pa natin ang mga personalidad na bagamat nagkaroon at may kinakaharap na ‘kaso’ ng korapsyon sa kanilang tungkulin ay patuloy na tumatakbo sa pagiging miyembro muli ng senado tulad nina JV Ejercito at Bong Revilla.

Sa dalawang hanay na ito ng mga nagsumite ng CoC sa COMELEC, mahirap hindi isipin kung sino nga ba ang totoong ‘istorbo’ sa pagdaloy ng mahusay na politika na magpapa-unlad ng bayan. Ang katanungang ito ay nasa balikat ng tatlong elemento ng sistema ng halalan sa bansa.

Una, sa parte ng gobyerno, bakit napapayagan ang muling pagsalang sa eleksyon ng mga taong may kinakaharap pang kaso? Sa normal na takbo ng buhay, inaasahan  ang courtesy leave-of-absence (LOA) ng mga taong nasasangkot sa isang anomalya. Biro nga ng isang komedyante, kung gagawin bang requirement sa pagkandidato ang NIB clearance, makapasa kaya sila?

Pangalawa, sa parte naman ng mga kumakandidato, nakasalalay sa ‘available choices’ ang magiging boto ng tao. Kung wala silang pagpilian dahil walang mapisil na ‘matino’, mauuwi muli ang kanilang pasya sa proverbial na “go for the lesser evil.”  Hangga’t nagtatago ang mahuhusay, hindi talaga magkakaroon ang ating politika ng bagong buhay.

At pangatlo, sa parte naman ng mga botante, sa totoo lang, walang palpak na pulitiko na mauupo sa pwesto kung hindi dahil sa palpak na boto ng tao. Kahit member pa ng Team Kawatan o Team Dinastiya ang isang tao, kung hindi naman siya iboboto, hindi rin naman siya mananalo.

So, ang tanong, bakit nga ba nagkakaroon ng mga ‘nuisance’ sa Senado? Makakatulong ang isang tagpo sa Biblia kung saan namili ang mga tao na nararapat na kandidato sa kanilang paningin. Mababasa natin sa John 18:38-40 na nanalo ang isang tulisan laban sa tunay na hari ng sanlibutan:

38 Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya. 39 Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”40 “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan.

Ganito noon. Maging ganito pa rin kaya tayo sa ngayon?