Filipino Resilience, Totoo Ba?

September 28, 2018

Ayun sa Global Climate Risk Index 2015, isa ang Pilipinas sa malubhang apektado ng climate change. Dagdag pa dito, matatagpuan ang Pilipinas sa loob ng Pacific Ring of Fire at nasa gitna ng typhoon path. Kaya’t mahalaga na bigyan ito ng “long term solution” upang maiwasan ang mapinsalang epekto ng climate change sa ibat-ibang panig ng bansa. Isang halimbawa na ang problema sa pagbaha. Sa muling pagpasok ng tag-ulan, marami ang nagtatanong kung kamusta na ang disaster risk reduction at climate change adaptation ng national at mga local governments units (LGUs). Duda ang marami kung naghahanda nga ba talaga ang ating pamahalaan. Para sa iba, sadyang kuntento na ata ang mga Filipino sa “short-term solutions” o “shortcut approach.” Sa tala ng EcoWatch (2016), ang Pilipinas ay nakaranas ng sampung (10) deadliest typhoons sa pagitan ng 1947 at 2014. Ayon sa national weather bureau o PAGASA, mas marami pang pag-ulan sa mga darating na araw ang dadaan habang ang habagat ay patuloy na nakakaapekto sa bansa.

Matapos dumaan ang ika-11 bagyong Yagi o Karding sa Pilipinas, naglabas ng artikulo ang Philippine Star patungkol sa ‘resilience’ ng mga Filipino. Ipinakita doon kung paano tayong mga Filipino ay tumutugon sa sakuna mula sa national government, local government, iba’t ibang grupo at maging sa lebel ng indibidwal. Gumamit ng larawan ang artikulo na nagpapakita sa isang lalaki na nakangiti habang lumulusong sa lagpas-dibdib na baha. Kung pagbabasehan ang kasaysayan, hindi maikakaila kung gaano katapang na tumugon ang mga Filipino sa sari-saring problema ng bayan. Ngunit sa paunang salita, sinasabi ng sumulat ng artikulo na mukhang magkaka-problema tayong mga Filipino kung masyado “romanticized” ang pagtugon natin sa ibat-ibang kalamidad na ating dinadanas.

Alam natin na ang Filipino ay kilala sa pagiging resilient (o matatag) at resourceful sa gitna ng ibat-ibang uri ng kalamidad. Sa pagkakaroon ng strong resilience, ang mga Filipino ay may kakayanan na mapagtagumpayan lahat ng pagsubok na dumadating sa kanilang buhay. Gayunpaman, may mga Filipino social scientists na hindi sumasang-ayon sa ganitong social behaviour ng ating mga kababayan at umaayon sa artikulo ng Philippine Star. Ayon sa kanila, ang pagiging resilient na ito ay lubhang nakakabahala sa kadahilanan na ito ay ginagawang justification sa mapang-abuso na sistemang panlipunan.

Ayun kay Martha Nussbaum, isang kilalang American philosopher, ang ganitong social behaviour ay tinatawag na “adaptive preferences.” Sa kanyang libro na Women and Development: The Capabilities Approach (2000), binigyan niya ng malamin na pagtalakay ang konseptong ito. Sa kanyang pananaw, ang “adaptive preferences” ay paraan ng mga deprived people sa ating lipunan na matuto mag-adjust ng kanilang preferences at goals sa buhay upang tumugma ito sa kanilang deprived na kalagayan. Lumalabas sa pagsusuri ni Nussbaum na ang “adaptive preference” ay isang uri ng social behaviour kung saan nagkakaroon ng pagtanggap na lamang sa miserableng buhay. Ito ay sa halip na subukang baguhin, mag-alok ng alternatibo, at itaguyod ang human dignity. Ang nangyayari, pilit na lamang tinatanggap ang deprivity bilang isang normal na kalagayan at kasama ang iba pang uri ng social injustices. Upang matugunan ito, ginigiit ni Nussbaum na dapat maituro ang pangunahing karapatang pantao sa mga deprived people. Ito ay upang magkaroon sila ng informed preferences.

Kaya naman, mahalaga na tayo ay maging literate o matuto na pangalagaan at igiit ang ating karapatang pantao. Sabi nga ni Kofi Annan, “Literacy is a bridge from misery to hope. It is a tool for daily life in modern society. It is a bulwark against poverty, and a building block of development, an essential complement to investments in roads, dams, clinics and factories. Literacy is a platform for democratization, and a vehicle for the promotion of cultural and national identity.”