Bagito

November 09, 2018

Inaresto noong Oktubre 27, Sabado ng hapon, ang isang pulis na nagngangalang Eduardo Valencia sa San Nicolas, Pasig City. Ang isinampang kaso ay panggagahasa sa isang kinse anyos na dalagita kapalit ng pag-aabswelto sa kaniyang mga magulang na diumano ay drug suspects sa Sampaloc, Manila. Kinumpirma ng medico-legal report ang kalagayan ng dalagita na siya nga ay nagahasa. Naging daan na naman ang isyung ito sa pagtuligsa sa isinasagawang laban kontra droga ng pamahalaan.

Pinuntahan mismo ni NCRPO Chief Guillermo Eleazar ang istasyon kung saan nakadetine si Valencia. Nung una ay itinatanggi ito ni Valencia. Sinasabi niyang may pamilya rin siya at kasing-edad lamang ng anak niya ang biktima. Ngunit kinalaunan ay nabanggit nito ang isang bagay na umalingawngaw sa media sapagkat ang pangyayaring ito ay nakunan ng live sa telebisyon. Sabi niya, “Sir, hindi na po bago sa ating mga operatiba yan ‘pag may nahuli tayong drug pusher…” Mapangahas na sinasabi ito ng isang bagito sa isang batikan.

Unang-una sa lahat, magandang itanong kung gaano na nga ba kaeksperyensiyado ang pulis na ito para masabihing “hindi na ito bago”? Nararapat ulitin na siya ay isang PO1 lamang. Ilan na nga kayang operasyon ang kanyang nasamahan? Sa kabilang banda, hindi maikakaila na kung ang sinasabi niya (o ang agarang pagkakaunawa ng mga kritiko) ay may katotohanan, ito ay talagang nakakabahala! Lalu na’t ipinapakita lamang nito na maraming abuso ang pwedeng mangyari sa kampanya laban sa droga at ito ay sinasakyan na lang din ng iba’t ibang kabulukan ng awtoridad at kapulisan.

Maaari rin namang pag-isipan kung ano talaga ang ibig sabihin ni Valencia na tila natatabunan ng boses ni Eleazar sa kanyang pagmumura. Hindi kaya sinasabi niyang hindi na bago na tuwing may nahuhuling drug pusher ay laging may counter-charge? Sa konteksto ng usapan, mas angkop ito sa sinasabi ni Eleazar tungkol sa kumpirmasyon na talagang nagahasa ang dalagita. Kung iisipin natin na ang tinutukoy ni Valencia ay lagi namang nangyayari ang mga pang-aabuso na gaya nito, mahirap intindihin kung ano ang direktang koneksyon ng kumpirmasyon ng medico-legal report na paulit-ulit sinasabi ni Eleazar. Sana’y dumiretso na lamang siya sa kanyang sinasabi na “Yung kalokohan na ginagawa mo kaya tayo nasisira dahil sa inyo!” kung ganito ang konteksto ng usapan.

Paano man natin iintindihin ang mga usapang ito na pinagppyestahan sa social media sa pamamagitan ng mga memes, ito ang mga hindi natin maitatangging katotohanan: (1) ang dalagita ay nagahasa, (2) ang gumawa nito ay isang bagitong pulis, at (3) nangyari itong may kinalaman sa operasyon kontra droga. Samakatuwid, ang pinaka problema ay ang moral ng kapulisan. Sila sana ang ating mga katulong sa pagsugpo ng kriminalidad at mga problema sa lipunan. Subalit lumalabas na bagito pa lamang ay nadadawit na sa hindi maayos na moralidad.

Nitong nakaraan lamang ay naaresto naman sina PO1 Severino Montalban III at PO1 Jayson Portuguez ng QCPD dahil sa panggagahasa sa isang babae kapalit ng kalayaan nito. Wala tayong maaasahan kung ang mga bagitong ito ang maging batikan sa ganitong larangan!